Babaeng mala-80's pa rin ang buhok kahit 2022 na, may itinatagong 'malaking sikreto' na umantig sa publiko

Noon pa man may birong kasabihan na ‘guluhin mo na lahat, huwag lang ang buhok ko.’ Iyan marahil ang maiisip mo kapag nakita mo si Malou, ang babaeng tila may putong na korona sa kanyang ulo.

May kakaibang istilo kasi siya ng buhok na mala-dekada 80’s pa rin ang dating kahit nasa panahon na tayo ng 2022.

Sa programang KMJS Kapuso Mo, Jessica Soho (One at Heart, Jessica Soho) ay ibinahagi ang kuwento ng babaeng nakikilang si Malou, taga Hagonoy Bulacan.

Si Malou ay fashionista na mula pa raw noon. Maalaga sa buhok kaya’t marami daw humahanga sa kanyang ‘crowning glory.’

Noon pa man ay sumasali na pala siya sa mga beauty pageant. Dahil sa kanyang ganda at makintab na buhok ay lagi siyang humahakot ng mga awards.

Subalit ang mala- ‘80s na hairstyle pala ni Malou, hindi by choice; kundi by necessity. Mayroon kasi itong itinatagong malaking sikreto; isang malaking bukol sa kanyang ulo.

“Ito po ‘yung tunay na dahilan kung bakit po naka-tease po ako at nakaayos po ako ng 80’s dahil nga po sa kondisyon ko na po ito,” paglalahad ng 46-anyos na ginang.

Mula nang nagkaroon ng bukol sa ulo si Malou ay iniwan na rin siya ng kanyang asawa.

Siya ay may walong anak na itinaguyod niya at ang iba ay napagtapos na niya sa pag-aaral. Napalaki naman rin niya ang mga ito nang maayos.

Nagsimula ang kanyang dilemma nang mauntog ang kanyang ulo noong 2019. “Noon pong nagpatingin ako sa isang ospital, ang ginawa po nila is siniringe, ayun dire-diretso na po siyang lumaki. Before po, ang karamdaman ko po, ang alam ko po, is goiter,” saad ni Malou.

Sinabi ng mga doctor na kailangang ipatanggal ito, ngunit sa takot sa operasyon ay hindi na lamang niya ito itinuloy at kulang din naman sa pinansyal.

Ayon sa doctor, nag-metastasis na ito; nagmula sa kanyang goiter ang dahilan ng pagkakaroon ng bukol sa ulo.

Bilang isang single mom ay napakahirap itaguyod ang mga anak nang mag-isa, lalo na’t siya lang ang inaasahan ng mga ito. Ngunit sa kabila ng kanyang kondisyon ay pinipilit pa rin niyang lumaban para sa kanyang mga anak.

Kaya malaking pasasalamat na lamang niya sa Panginoon na nasa tabi niya ang mga ito.

Samantala, dalawang taon na mula nung huli siyang nagpakonsulta sa doctor. “Ang nakita naman po sa CT scan ang bungo ko daw po nagkaroon daw po ng lamat, doon daw po nagli-leak kaya raw po nagkaroon ako ng ganito,”  wika ni Malou.

Si Malou ay mayroon na palang stage 4 thyroid c*ncer na nag-metastasis sa kanyang ulo. Kapos din siya sa pampagamot, dahilan upang hindi na nakapagpa-follow-up check up.

Kaya naman sa tulong ng KMJS team ay ipinakonsulta ulit siya sa Philippine General Hospital o PGH.

Ayon kay Dr. Eljohn Yee, isang otolaryngologist, si Malou ay mayroong Papillary Thyroid Carinoma.

Kapag humupa na ang kaso ng Covid-19, inirerekomenda na pumunta si Malou sa PGH nang personal upang siya ay masuri ng mga espesyalistang doktor.

Ayon naman sa Philippine Alliance of Patient Organizations na si Araceli Lanorio, “Kadalasan kasi ang mga indigent patients nahihirapan kami na makakuha agad ng tulong medical lalo na kung kulang kami sa financial na aspeto.”

Ang hiling ng programa, sa mga susunod na mga mamumuno sa ating gobyerno, sana mas palawakin at palakasin pa ang sektor ng pampublikong kalusugan para sa napakarami nating kababayan na nangangailangan ng pag-alalay at panlunas.

Panoorin ang buong nakaaantig na kuwento ni Malou sa programang KMJS.

Post a Comment

Previous Post Next Post