Si John Angelo “Angel” Ortiz, 27 taon gulang, mula sa Riosa Village, Tabaco City Albay, ay isang cross stitcher. Siya ay may cerebral palsy, ngunit hindi ito ang makapipigil sa kanya sa pagiging produktibo.
Nakilala si John Angelo noong Enero 2015, nang bigyan niya ng isang cross-stitched na imahe ni Madonna Dolorosa si Pope Francis nang bumisita ito sa Pilipinas na kung saan ginawa niya ito ng higit dalawang buwan gamit lamang ang kanyang mga paa.
Isa ito sa mga natupad niyang pangarap — ang makita at personal na iabot ang kanyang regalo sa Pope. Kitang-kita ang kagalakan sa kanyang naranasan sa larawang ito.

Sa kabila ng kanyang kondisyon ay taglay niya ang talento na gumawa ng isang obra maestra kahit paa lamang ang kaniyang gamit.
Ngayon ay Digital painting naman ang kaniyang pinagkakaabalahan gamit pa rin ang kaniyang mga paa. Kumpara sa cross-stitch ay mas nadadalian siya rito.
Sinabi ni Angelo sa kanyang panayam sa ABS CBN, na mahilig itong mag-drawing bago pa lamang siya mag-cross stitch.

“Nagsimula po ako ng digital painting noong 2016, dati talaga mahilig na ako mag-drawing bago pa yung cross stich.”
“Ang ginagamit ko po, ds digital paint ‘yung computer na bigay ng La Salle Saint Benilde,” dagdag pa niya.
Nalulungkot naman si Angelo dahil bumagal na ang kaniyang computer.
“Biglang nag-brown out, kaya mabagal na mag-open. November po bumabagal na siya,” kuwento niya.
Dahil sa mabagal na ang kanyang computer ay humahanap na lang ito ng app sa kanyang cellphone upang mapadali ang kanyang gawain.

“Minsan po naghahanap ako ng app sa cellphone para madali gumawa, doon na lang ako gumagawa,” aniya.
“Ang wish ko po sana makalabas ang mga PWD at sana po matapos na ang pandemya na ito kasi hirap hirap na ang mga tao sa pandemya,” dagdag pa niya.
Para kay Angelo malaking bagay na mayroon siyang libangan at pinagkakakitaan din niya ito sa pamamagitan ng pag-a-upload ng kanyang mga obra maestra sa kanyang Facebook page na John Angelo de Dios Ortiz -Cross Stitch Men. Silipin ang kanyang mga obra.
Malaking bagay din ang suportang makukuha niya sa kanyang YouTube channel na AngelFeet Gaming. Subscribe ka na at sundan ang journey ni Angel!
Samantala, napasali pala siya sa isang photo exhibit noong Pebrero sa Legazpi.