Sa kauna-unahang pagkakataon ay sinagot ni Senador Manny Pacquaio ang kritisismo sa kaniya kung bakit lagi siyang absent noong congressman pa lamang siya.
Isa kasi ito sa mga tinanong sa presidential aspirant matapos siyang sumalang sa “Presidential Job Interview” ng DZRH.

Marami raw kasi ang nagsasabing hindi siya kwalipikadong maging pangulo ng bansa dahil pala-absent sa mga session ng Kongreso.
Inamin naman ng boxer-politician na ‘tinatamad’ siya noong mag-report sa Kamara.
“Ang binabasehan nilang absent ako noong panahon ng congressman ako, kasi po sa kadahilanan na congressman ako, ay tinatamad ako doon sa Kongreso,” pag-amin ng senador.

Paliwanag pa ni Pacquiao, kadalasan daw ay mahaba at matagal ang mga privilege speeches ng mga kongresista. Kung tutuusin umano wala naman talaga siyang pakialam sa mga isyu ng ibang mambabatas at ng distrito o probinsiyang kanilang kinakatawan.
Dahil dito mas pinili pa raw ni Pacquiao na manatili na lamang sa kanilang probinsiya at pagsilbihan ang kaniyang mga kababayan.
“Minabuti ko doon ako nanatili sa probinsya dahil nagpapagawa ako ng mga Pacman village doon,” ayon kay Pacquiao na nagsilbing kongresista ng Sarangani taong 2010 hanggang 2016.

“Doon ako nakatutok, dahil mas mabuti pa tutukan ko ang mga pabahay ko doon noong time na yon, dahil excited ako, masaya ‘yung mga pamilya, bibigyan mo ng sariling tahanan, libre, wala silang binabayaran, nag-e-enjoy ako,” dagdag pa ng Pambansang Kamao.
Matagal nang binabato kay Pacquiao ang isyu ng madalas na pag-absent noon sa Kamara.
Katuwiran dati ng senador, ginugugol niya naman ang mga araw na wala siya sa session hall sa pagte-training para sa kaniyang mga laban na nagdadala naman ng karangalan sa bansa.