Hindi sang-ayon si Senador Nancy Binay sa desisyon ng gobyerno na luwagan ang restrictions sa mga fully-vaccinated na pasaherong papasok ng Pilipinas.
Ito ay makaraang suspendihin ng IATF simula Pebrero 1 ang ‘green-yellow-red list’ system na nagtatanggal rin sa mandatory facility quarantine ng mga biyahero kahit saang bansa man sila manggaling.

Nakababahala umano ang ganitong hakbang dahil maaaring maging daan ito upang lalo pang kumalat ang virus.
“I’m not sure if the intent is to stop the spread or, [if the] government has already given up on us. The spikes will definitely be inevitable,” pahayag ng senador.
Dagdag pa ng mambabatas, hindi pa ba tayo natuto sa kaso ni ‘Poblacion Girl’ na nagkalat ng COVID matapos hindi mag-quarantine nang dumating ang balikbayan mula sa Estados Unidos noong Disyembre.
“‘Di pa ba tayo natuto sa nangyari doon kay ‘Poblacion Girl’? Sa loob na nga ng facility eh nalulusutan pa — what more ‘yong talagang hinayaan na nating gumala ang mga biyahero galing abroad,” wika ng mambabatas.

“Kulelat na nga tayo sa pandemic response, ngayon bibitawan pa natin ang border control,” ayon pa kay Binay.
Iginiit rin ni Binay na patuloy pa rin ang ‘surge’ ng COVID sa ibang bansa at walang duda na patuloy nitong palalalain ang hawahan ng virus sa Pilipinas dahil sa mga pumapasok na biyahero.
Dahil dito, kinuwestiyon ng senador ang patakaran ng IATF kung talaga bang masusing pinag-iisipan ito.

“Minsan mapapaisip ka sa mga desisyon ng IATF kung trial and error. So, are we supposed to draw comfort from this? Is the lifting of restrictions supposed to slow down the high transmissibility rate of new variants or, in any way, be less threatening to COVID infections?” tanong pa ni Binay.
Ang bagong patakaran ng IATF ay nangangahulugan na tatanggalin na ang facility-based quarantine sa mga fully vaccinated na pasahero at kailangan na lamang nilang magpresenta ng negative RT-PCR test 48 oras bago sila umalis sa pinanggalingang bansa.