Patuloy pa rin ang surpresa at nakatutuwang rebelasyon tungkol sa ‘nakaraan’ nina Yeng Constantino at Ryan Bang sa ‘It’s Showtime’.
Nitong Sabado, hindi na naman tinatanan ang dalawa ng mga co-hosts ng noontime show na pinangunahan ni Vice Ganda.

Unang inamin ni Yeng na nang ilabas niya ang tungkol sa panliligaw ni Ryan, gumaan na rin ang kaniyang pakiramdam dahil nauunawan na niya kung saan ‘nanggaling’ ang kaniyang dating suitor. Nawala na rin umano ang ‘awkwardness’ o ilangan nila sa isa’t-isa ng Korean actor-host.
BASAHIN: ‘Nakaraan’ nina Ryan Bang at Yeng Constantino, naungkat sa ‘It’s Showtime’
Inusisa rin ni Vice ang sinabi raw sa kaniya ni Ryan na hindi ito nakatulog noong isang gabi.
“Siyempre… pumapasok sa isip ko yung maraming ‘what ifs’. Sa 12 years na wala ako pag-asa, akala ko ayaw mo sa’kin. Kaya ako naduwag sa sarili ko,” paliwanag ni Ryan.

“’Di ko tinuloy ‘yung naramdaman ko sa’yo. ‘Di ko napanindigan kasi natakot din ako sa sarili ko,” wika pa nito.
Akala daw niya talaga ay maraming nanliligaw sa ‘Chinito’ singer at kabilang na rito si Richard Poon.
Maliit rin daw ang naging tingin niya sa sarili dahil wala man lang siyang sasakyan noon at kapag nagde-date sila ni Yeng ay nakikisakay pa siya sa minivan ng singer.
Ibinahagi rin ni Ryan na nahihiya talaga siya kasi hindi man lamang niya umano mailibre ng pagkain si Yeng at ang pamilya nito kapag kumakain sila sa labas.

Humingi na rin ng paumanhin ang Koreano dahil hindi raw niya akalain na may pag-asa siya kay Yeng noon.
“Nahihiya ako sa sarili ko na baka ‘di ako para sa’yo. Yun yung naramdaman ko. Kahit totoo ‘yung naramdaman ko sa’yo at minahal naman kita,” pag-amin nito.
Bagama’t tila may ‘closure’ na na namagitan sa dalawa, marami pa rin ang kinikilig sa kanilang mga pagbubunyag sa ‘It’s Showtime’.
Panoorin ang pagpapatuloy ng Ryan-Yeng serye: