Bandang ala-una ng madaling araw nitong Enero 27, 2022 sa Nursery, Masbate City, taranta umano ang dalawang aso na sina Roscoe at Smile dahil tahol nang tahol at pabalik-balik ang mga ito habang nakatingin sa may pinto.
Plano nang matulog ng anak ni Bebeth Buri, may ari ng bahay, nang may narinig itong tila mga yabag ng tao at tunog ng may binubuksang zipper ng bag. Agad na sumigaw ang anak matapos maramdaman na may ibang tao sa loob ng kanilang bahay.
Dahil dito ay naalarma sila at dali-dali nilang pinuntahan at sinilip ang kinalalagyan ng bag ng kanyang ama na may lamang laptop. Nandoon pa rin ang laptop.

Sumilip din siya sa labas ng kanilang bahay pero wala naman umanong ibang tao. Ngunit patuloy ang pagliligalig ng kanilang dalawang aso.
“Inisip namin na pusa o daga lang yun so babalik na sana kami sa taas para matulog pero ayaw tumigil sa kakatahol ang aso naming si Smile, si Roscoe naman ayaw umalis sa bandang kusina,” kuwento ni Bebeth.
Patuloy silang nagmasid sa paligid at napansin nilang bahagyang nakabukas ang isang panel ng pinto ng kabinet sa ilalim ng kanilang lababo at doon nga ay nakita ang taong naka-mala ninja ang kasuotan. Kaya naman pala ayaw umalis ni Roscoe sa bandang kusina!

Pinalabas at iginapos umano nila ang nasabing magnanakaw. Humingi din sila ng tulong sa kapitbahay at sa mga tanod at tuluyan nang nasakote ang suspek.
Nabawi naman ng pamilya ang mga nakuhang gamit ng salarin kabilang ang isang cellphone, mini-sunglasses at isang sumbrero.
Napag-alaman din nila na nakapasok na pala ang suspek sa katabing bahay kung saan ang suspek ay nakakuha ng cellphone bago pa man nanloob sa bahay ng pamilya Buri.

Labing anim na taong gulang pa lamang umano ang nanloob sa kanilang bahay kaya naman kasulukuyan itong nasa kustodiya ng Children In Conflict with the Law (CICL).
Bilang pasasalamat sa kabayanihang ginawa ng mga aso, binigyang ‘parangal’ at binilhan din ng cake ng pamilya Buri ang mga alagang nilang sina Roscoe at Smile.