Isang malungkot na katotohanan na marami sa atin ang kailangang magpakonsulta sa manggagamot ngunit hindi magawa dahil sa maraming kadahilanan bunsod ng pandemya.
Kasalatan sa pera ang karaniwang dahilan kung bakit marami ang hindi makapagpatingin sa doktor at may iba naman na malayo ang tinitirhan at limitado ang mga pampublikong sasakyan kaya hindi makabisita sa manggagamot.
Dahil dito ay isang doktor ang nagmagandang-loob na mag-alok ng kanyang serbisyo sa publiko nang walang bayad – si Dr. Mikko J. Gamalo na isang general physician.

Image from Dr. Mikko J. Gamalo
Sa pamamagitan ng kanyang Facebook account ay inanunsiyo niya ang alok.
“Announcement to all. I, Mikko J. Gamalo, MD will be offering my services to people who are in need. I am a General Physician and I want to help those who can’t even afford a check up from a doctor or malayo sa doctor,” bahagi ng post ni Dok Mikko noong Miyerkules, January 5.
Base sa kanyang social media profile, si Dok Mikko ay noong taong 2020 lang nakapagtapos ng kursong medisina.
Ipinaskil niya sa kanyang FB post ang cellphone numbers niya na maaring tawagan ng mga nais magpakonsulta.
Ang libreng online/phone consultation ay maaari lang sa oras mula alas-diyes ng umaga hanggang alas-tres ng hapon tuwing Lunes, Miyerkules at Biyernes.
Kapag tapos na raw ang consultation hours ay ino-off daw niya ang kanyang cellphone.
“Please contact me during this hours ln alang po. Online/Call Consultation Hours: 10 am to 3 pm (M,W,F). Pagkatapos po o kapag hindi po consultation hours ay kinailangan ko po munang i-off ang aking cellphone,” aniya.

Screenshot of Dr. Malano’s post
Maaari naman daw mag-PM na lang kaysa tumawag ang mga pasyente na kailangang magpadala ng pictures halimbawa ng pigsa, rashes at iba pa.
Nilinaw niya na hindi siya espesyalista sa partikular na uri ng karamdaman kundi isang general physician.
“Paalala lamang po, Ako po ay isang General Physician po at wala po akong specialization (ex. Cardiology, Pulmonology, Gastro, Etc., Pediatrician, Surgeon.) Ang nalalaman ko po ay limited lang at ‘di ko po masisigurado ang pinakatamang lunas sa inyong problema kung ikukumpara sa mga specialist po natin. Maraming salamat po at nagtiwala kayo sa ‘kin,” paglilinaw ni Dok Mikko.
Hangga’t maaari ay ang mga residente ng General Santos City ang target niyang matulungan, subalit maaari rin daw niyang i-accommodate ang mga taga-labas ng lungsod.

Image from MedTech Boston