Opisyal na inilunsad ng Department of Education Regional Office sa Central Luzon ang Information Education and Communication materials (IEC) na magpapalaganap ng katapatan sa pag-aaral o academic honesty at para mapangalagaan ang integridad ng mga mag-aaral.
Ipinahayag ni DepEd Regional Director May Eclar sa isang social media post na ang IEC materials na kinabibilangan ng walong komiks at tatlong advocacy videos na idinisenyo para sa lahat ng grade levels ay ipamahahagi at gagamitin sa nabanggit na rehiyon.

Image from DepEd Region III
Ayon kay Director Eclar, layunin ng mga komiks at videos na tulungan ang mga mag-aaral at mga magulang nila na maintindihan ang kahalagahan ng pagiging matapat sa pag-aaral sa gitna ng ipinatutupad na distance learning modality para sa kasalukuyang school year.
Ang mga komiks na isinulat ng School Divisions Office-Zambales ay ang “Kring! Ang Kuwento nina Ian at Droid;” “Hindi Okey ang Online Kopyahan;” “Awit ni Taptap;” “Sina Mat, Tap, at Pat Mga Super-Estudyanteng Matapat;” “Ang Sagot sa Problema ni Caloy;” “Mali Pala ang Mangopya;” “Ang Sikreto ni Lito,” at “Si Kara, Si Raya at ang Matapat na Bata.”
May eksena sa isang advocacy video n anagpapakita na ang isang magulang ay nagsasabi sa anak na hindi tama ang cheating.
Sa isang video naman ay ipinakikita ang isang guro sa isang magulang kung paano kino-compute ang mga marka ng mga learners sa ilalim ng distance learning modality.
Noong Oktubre ng nakaraang taon ay nagsagawa ang DepEd Region III ng isang virtual orientation sa pagsusulong ng academic honesty.

Image from DepEd Region III
Ang layunin ng orientation ay hindi lang para itaas ang awareness ng Schools Division Offices sa observance ng katapatan sa academic performance ng mga mag-aaral kundi upang makabuo rin ng mga istratehiya at intervention initiatives para sa epektibong implementasyon ng adbokasiya.
Ang mga School Division Offices ang naatasang magsagawa ng mga orientation para sa mga magulang, mag-aaral at guro.
Ang mga komiks at video ay maaaring mabasa, mapanood at ma-download sa official website ng DepEd Regional Office III.

Image from DepEd Region III