Maayos ang kabuhayan ng mag-asawang Larry at Pearly Mansog dahil sa masaganang ani ng taniman nila ng bell pepper at repolyo sa Barangay Nueva Vista, Don Victoriano Chongbian, Misamis Occidental. Subalit tulad ng maraming negosyo, lubos na naapektuhan din ng pandemya ang kanilang taniman.

Dahil sa mga ipinatupad na lockdown ay lumiit na ang kita nila kaya nag-isip sila ng ibang produkto na maibebenta sa magandang presyo.
Noong March 2021 ay sinimulan nila ang pagtatanim ng strawberry sa apat na ektarya nilang sakahan. Kuwento ni Larry, nagsimula lang sila sa 480 mother plants at namuhunan ng P120,000.
Akma ang strawberry sa malamig na klima sa kanilang lugar kaya naging maganda ang kanilang ani.
Sa simula, dinadala nila sa mga kalapit na palengke ang mga inaaning strawberry. P500 kada kilo. Mayroon din silang nasa plastic na sisidlan na ibinebenta sa halagang P100 at P150. Maraming customers daw ang nagtatanong sa kanila kung saan nanggagaling ang mga strawberry nilang paninda.
Ang strawberry farming sa naturang probinsiya ay noong 2018 lang ipinakilala. Dalawang magsasaka ang nagsimula niyon. Sa katunayan, ang mag-asawang Larry at Pearly ay bumili ng mga pananim sa isa sa dalawang magsasakang nabanggit.
Maraming customers na rin daw ang dumarayo sa mismong taniman nila upang bumili ng strawberries.

Sabi ni Larry, dahil sa social media ay nakilala ng mas maraming tao ang strawberry farm nila – ang Mansog’s Strawberry Ranch and Cafe.
Mas marami na raw ang nagtutungo roon hindi lang para bumili kundi upang magpakuha ng litrato at i-share sa social media ang mga larawan.
Doon nila naisipan na magtayo sa farm ng isang cafeteria na nakadaragdag sa kanilang income.
Sa ngayon ay ang tradisyunal na paraan ng pagtatanim ang ginagawa ng mag-asawa, subalit plano umano nilang magsanay sa mga makabagong pamamaraan at teknolohiya sa ilalim ng Department of Agriculture upang lalong mapaunlad ang kanilang strawberry farm.
