Malasakit Movement partylist ni Celine Pialago laglag sa balota ng Comelec

Tanggal sa listahan ng Commission on Election (Comelec) ang Malasakit Movement partylist; ang grupong pinangungunahan ni dating Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) spokesperson Celine Pialago, bilang first nominee.

Walang malinaw na dahilan kung bakit hindi naaprubahan ng poll body ang accreditation ng Malasakit batay sa promulgation nito na inilabas nitong Martes, Enero 11.

Imahe mula sa Facebook| Malasakit Movement

“In performance of this mandate, the OCOC hereby notifies that party-list registrant Malasakit Movement Inc. (Malasakit Movement) has been excluded in the final listing of party-list candidates to appear in the ballot in connection with the May 9, 2022 National and Local Elections in view of the resolution of its pending incident,” ayon sa notice na inilabas ng Office of the Clerk of the Commission (OCOC).

Bukod kay Pialago, kabilang sa mga nominees ng naturang partylist group sina Mark Ryan Ponce, Eusebio Simbajon Avancena Jr., Natasha Supan Rodriguez, at Monroe Laurenze Dimaano.

Dahil sa desisyong ito ng Comelec, hindi na makakasama ang Malasakit Movement sa balotang ililimbag ng poll body.

Pahayag ng Malasakit Movement

Kaugnay nito, naglabas naman ng opisyal na pahayag ang grupo sa kanilang Facebook page.

Screenshot mula sa Facebook

“May mga legal na paraan pa po para makalaban sa darating na 2022 elections. Hahayaan ko na po ang aming legal team sa bagay na yan,” ayon sa grupo.

“Kapag mabuti ang hangarin, kapag tama ang pinaglalaban, lalaban. Lalaban po kami dahil hindi po ugali ng team 96 ang sumuko,” dagdag pa nito.

Ang number 96 na tinutukoy ng grupo ay siya sanang naka-assign sa kanila sa listahan ng balota.

Imahe mula sa Facebook| Malasakit Movement

Giit pa ni Pialago, ang laban ng Malasakit Movement ay hindi lamang laban niya o laban niya sa pulitika, kung hindi ito ay “laban para maipagpatuloy ang pagmamalasakit at pagmamahal sa ating kapwa Pilipino.”

Nag-file ang grupo ng kanilang certificate of candidacy (COC) noong nakaraang Oktubre.

Layon sana ng Malasakit Movement na katawanin sa Kongreso ang mga barangay representatives, kagawad, tanod, at health workers. Maliban dito, nangako rin silang isusulong ang mas maayos na benepisyo para sa mga medical workers.

Post a Comment

Previous Post Next Post