Isang surprise post-Christmas party ang idinaos ng mga anak at apo ni Superstar Nora Aunor; bagay na labis na nagpasaya sa kanya sa pagpasok ng taon.

Imahe mula kay @iammatetdeleon | Instagram
Ayon sa isang Noranian na naka-chat ng PEP Troika, nagkaroon ng isang surprise Christmas party para sa Superstar matapos dumating nang magkakasama ang kanyang mga anak na sina Ian, Matet, Kiko, at Kenneth at ang kani-kanila nilang mga pamilya. Kumpleto ang lahat maliban kay Lotlot at ang kanyang pamilya.
May komunikasyon naman daw si Aunor kina Matet, Kiko, at Kenneth. Pero ang ikinatuwa raw nito nang husto ay ang makita na kasama si Ian at ang pamilya nito na dumalaw sa kanya. Naging masaya raw ang pananghaliang iyon at tuwang-tuwa rin daw si Nora dahil “Mama Guy” ang tawag ng lahat sa kanya na gustong-gusto niya talaga.

Imahe mula kay @johnporterjr | Instagram
“Sobrang saya ko dahil nakasama ko sila. Natutuwa ako, saka sinusunod nila ako dahil lahat sila ang tawag sa akin, Mama Guy,” pahayag niya.
Nagkaroon din ng mga game sa late Christmas party ng pamilya, kaya naman lalo pang naging masaya at exciting ang muli nilang pagkikita-kita.

Imahe mula kay @johnporterjr | Instagram
Sa kabilang banda, mapapansin din na kumpleto ang lahat maliban kay Lotlot at ang kanyang pamilya. Nang maitanong sa kanya kung umaasa siyang dadalawin din ni Lotlot at ng mga anak nito? Maikli lang ang kanyang sagot, “Bahala na ang nasa Itaas.”
Magugunita na minsan nang nagpahayag ng saloobin si Lotlot tungkol sa relasyon niya sa kanyang ina. Aniya, ginawa niya ang lahat para maging mabuting anak at alam ito ng Diyos.
“Ang relationship ko kay Mommy, iba. We have never been the ‘typical’ kind of family. I have tried my best all these years to be a good daughter. Wala akong hindi sinubukan gawin. Alam ng Diyos ‘yan. Minsan gusto ko ipaliwanag sa lahat kung ano nga ba kami pero hindi ko rin maipaliwanag. Ang alam ko lang mahal ko siya. At siguro kahit nga ipaliwanag ko, hindi pa rin maiintindihan,” wika ng aktres.