Nang ipatupad ng gobyerno ang lockdown dahil sa COVID, maraming Pinoy ang nasurpresa dahil hindi nila inaasahang magtatagal ito ng ilang buwan.
Kaya marami ang nahirapan sapagkat hindi nila napaghandaan ang sitwasyon lalo pa’t halos kulang din ang ayudang ipinamahagi ng pamahalaan.

Subalit, taliwas ito sa naranasan ng isang ginang na ang asawa ay barbero.
Ibinahagi niya ang kaniyang kuwento sa Facebook page na CFO Peso Sense.
Ani misis, barber ang kaniyang asawa at may tatlo silang anak. Karamihan umano sa kliyente ng kaniyng mister ay mga propesyonal, pulitiko at may artista pa.
Ang naging usapan daw nilang mag-asawa ay bahala si mister sa kaniyang sahod basta’t ang tip nito araw-araw ay sa ginang ibibigay. Pinakamababang tip daw na naibibigay sa kaniya ng lalaki ay P400, subalit madalas ay nasa P1,700 ito kada araw.

Sa budget na P350 bawat araw para sa gastusin sa bahay, halos naitatabi niya ang hindi bababa sa P1,000 at hindi ito alam ng kaniyang asawa.
“Hindi po ako maluho o magastos pero minsan nasasabihan akong kuripot… Yung tip ni husband hindi ko nilulustay kundi nagtatabi ako madalas 1K na buo,” bahagi ni misis.
Nang magpatupad ng lockdown sa kanilang lugar, nawalan ng trabaho si mister.
“Pero hindi ako nababalisa at nag-aalala kung saan kami agad kukuha ng pang gastos araw araw.. Pangiti ngiti lang ako,” paglalahad ng babae.

Nagtataka umano ang kaniyang asawa dahil nakakakain pa rin sila ng masasarap na pagkain gayung wala naman siyang naiaabot na pera dahil wala nga siyang sahod.
Nang iabot at ipakita raw niya ang laman ng kaniyang pouch, nagulat si mister sa laman nitong umabot sa P217K na nagmula lahat sa kaniyang tip. Sa laking tuwa ay bigla na lamang siyang niyakap ng asawa, kuwento pa ng ginang.

“Kaya kayong mga nanay na tulad ko iwasan ang pagiging maluho, huwag makisabay sa uso ng kabataan lalo sa mga anak niyo.. dahil sa kanilang paglaki hanap hanapin na nila yan,” payo ni misis sa kaniyang mga kapwa-nanay.
Sana raw ay gayahin din siya ng ibang asawa na masinop sa pera, hindi maluho at gastador, nang sa gayun ay pagtiwalaan sila ng kanilang mister at hindi pagtaguan ng pera.