Video ng paghabol ng bata sa nanny niyang OFW, kinaantigan

Ibinahagi ng isang overseas Filipino worker (OFW) ang madamdaming tagpo sa airport nang sinubukang humabol sa kaniya ng kaniyang alaga.

“Ito ‘yong pinakamasakit sa lahat e. ‘Yong halos ikaw nag-aruga at nagpalaki, naging anak mo sa loob ng limang taon tapos magkakahiwalay kayo pagkatapos ng ilang taon,” kuwento ni Francine Jennifer Pascual sa isang Facebook post.

Sa isang panayam ay sinabi umano ni Francine na nagtrabaho siya bilang domestic helper sa Saudi Arabia noong taong 2017.

Siya na raw ang nag-alaga sa batang babae na makikita sa video mula pagkasilang nito kaya naman ganoon na lamang ang iyak ng bata nang mahiwalay sa kaniya.

“‘Yang batang babae na umiiyak, halos paglabas niyan, ako na ang nag-aruga. Tumatabi sa pagtulog ko hanggang sa lumaki at nabuntis uli ang nanay nila,” salaysay niya.

Hindi na rin naman iba ang turing sa kaniya ng mga amo kaya nang manganak muli ang kaniyang “madam” ay nag-extend siya hanggang umabot sa limang taon na hindi siya umuuwi sa Pilipinas.

“Hindi iba ang trato ng mga amo ko sa akin. Halos anak lang at kapatid, kaya ganiyan ako kamahal ng alaga ko Kahit in-explain ko na sa kaniya na bawal siyang sumama sa akin dahil iiyak ‘yong parents niya, wala siyang pakialam, sabi niya,” ani Francine.

“Expected talaga niyang sasama siya sa akin umuwi ng Pinas kaya ganiyan na lang siya magwala nang pumasok na ako. Hanggang ngayon ang sakit,” dagdag niya.

Maging ang netizens na nakapanood ng video ni Francine ay nadala sa iyak ng bata.

“Ang sakit sa pakiramdam pakinggan ng iyak ng bata. Pati ako naiiyak,” sabi ni Loida B.

“Halos tatlong oras ko ‘tong pinanood pero iyak pa rin ako nang iyak. Feel na feel ko talaga ‘to. Sobrang sakit. Hanggang ngayon, hindi ako maka-move on. Mas masakit pa yata ‘to sa break up,” komento naman ni Jewel G.

Post a Comment

Previous Post Next Post