Simula sa Martes, February 1, ay hindi na ipatutupad ang kontrobersyal na “no vax, no ride policy” na ipinatupad ng Department of Transportation (DOTr) sa National Capital Region (NCR) o Metro Manila.
Ito ay kasabay ng gagawing pagdedeklara ng Alert Level 2 mula sa kasalukuyang Alert Level 3 hinggil sa pandemya sa Kalakhang Maynila.

“Once we de-escalate to Alert Level 2, the no vax, no ride policy shall be automatically be lifted,” pahayag ni Transportation Assistant Secretary Hope Goddes Libiran.
Ang pahayag ni Asec. Libiran ay kasunod ng anunsiyo na ginawa ng Malacañang na ang Metro Manila ay ilalagay sa ilalim ng Alert Level 2 simula February 1 hanggang February 15.
Pitong probinsiya ang isasailalim din sa Alert Level 2. Kabilang dito ang Batanes, Bulacan, Cavite, Rizal, Biliran, Southern Leyte, at Basilan.
Ang no vax, no ride policy ay ipinatupad ng DOTr nitong unang bahagi ng Enero upang hindi na umano muling maulit ang nangyaring shut down ng public transport at mapangalagaan ang mga taong hindi pa bakunado kontra sa COVID-19.
Sa ilalim ng nabanggit na polisiya, ang mga sasakay sa pampublikong transportasyon sa Metro Manila ay kinakailangang magpakita ng vaccination card.
Inamin ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na nahirapan ang kapulisan sa isa-isang pag-iinspeksiyon sa vaccination card ng mga pasahero. Iba-iba kasi ang disenyo ng mga vax card mula sa mga local government units na ibinibigay sa mga bakunadong residente.

Image from PNA
Nag-propose ang NCRPO na sa halip na vaccination card ay isyuhan ng pare-parehong medical certificate ang mga taong vaccinated na.
Ipinaliwanag ni Asec. Libiran na hindi naman permanente ang pagpapatupad ng no vax, no ride policy.
“The no vax, no ride policy is not perpetual or permanent. This will only be implemented while Metro Manila is at Alert Level 3 or higher. This means that if the covid-19 alert level system in Metro Manila is below Alert Level 3, the no vax, no ride policy will be automatically lifted or suspended,” paliwanag ng DOTr official.
