Inendorso ni Kingdom of Jesus Christ founder Pastor Apollo Quiboloy ang mga kandidato ng tambalang Bongbong Marcos-Sara Duterte sa Davao City nitong Martes, Pebrero 1.
Bukod dito, ipinag-pray over din ng kontrobersiyal na pastor sina vice presidential aspirant at Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio, at mga senatoriables na sina dating senador Jinggoy Estrada at dating presidential spokesperson Harry Roque.
Kasabay ito ng inilunsad na ‘Nationwide Mahalin Natin Ang Pilipinas Ride’ ng BBM-Sara (UniTeam) tandem sa Davao City.
Ayon sa ulat ng Inquirer, naganap ang endorsement at pray over sa loob ng compound ng KJC ni Quiboloy.
“Marami ang nagtatanong kung ano ang susuportahan ng Kingdom of Jesus Christ. Sabi ko, maghintay tayo sa tamang panahon. At ngayon na ang panahon para lahat sa inyo ang aming suporta. 100 percent ako ay sumusuporta sa UniTeam,” wika ni Pastor Quiboloy.
Naniniwala rin ang pastor na landslide ang magiging panalo ng UniTeam sa darating na eleksiyon.
“Sinasabi ko na sa inyo, itong team na ito will have a landslide win sa darating na eleksyon. Ako ay nananalangin na tayong lahat ay sumama sa UniTeam,” ayon pa kay Quiboloy.
Hindi naman nabanggit sa mga ulat kung dadalo sa nasabing caravan sina presidential aspirant Bongbong Marcos Jr. at iba pang senatorial candidates sa kanilang lineup.

Maliban kina Estrada at Roque, kabilang din sa senatorial slate ng UniTeam sina Deputy Speaker Rodante Marcoleta, Atty. Larry Gadon, Senador Juan Miguel Zubiri, dating Public Works Secretary Mark Villar, Antique Rep. at dating Senador Loren Legarda, dating Defense Secretary Gilbert Teodoro at dating Quezon City Mayor Herbert Bautista.
Nakatakda namang ganapin ang proclamation rally ng UniTeam sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan sa darating na February 8; ang opisyal na simula ng kampanya para sa susunod na halalan.