Philippine Army, libreng ipagagamit sa mga estudyante ang kanilang internet

Malaking bagay ang naitutulong ng Very Small Aperture Terminals (VSAT) ng 7th Infantry Division (7ID) ng Philippine Army para maka-access sa internet ang mga estudyante at guro.

Kamakailan  lang ay nag-install ng VSAT ang 7ID sa apat nilang detachments sa liblib na lugar sa Central Luzon upang mapalakas ang pakikipagkomunikasyon nila sa iba pang tropa ng militar.

Image from AFP

Hindi lang pang-militar ang gamit ng VSAT dahil makatutulong din ang mga iyon sa mga estudyante para sa kanilang online classes sa nasasakupang area.

Ayon kay Major General Andrew D. Costelo, ang commander ng 7ID, noong Martes, ika-11 ng Enero, ay nagkabit sila ng VSAT sa apat na kampo – sa Patrol Base ng 24th Infantry Battalion sa Sitio Talipugo, Barangay Buneg, Lacub, Abra; 91st Infantry (Sinagtala) Battalion sa Barangay Dimanayat, San Luis, Aurora; 70th Infantry sa Sitio Macua, Barangay Kabayunan, Doña Remedios Trinidad, Bulacan; at 84th Infantry Battalion sa Sitio Bin-bin, Barangay General Luna, Carranglan, Nueva Ecija.

Noong October 13, 2021 naikabit ang unang VSAT at ang pang-apat ay noon namang ika-21 ng Disyembre 2021.

Libreng nakapagbibigay ng internet access ang bagong install na apat na VSAT sa mga estudyante, pahayag ni Major General Costelo.

“Natutuwa ang inyong kasundaluhan dahil hindi lang nagagamit ng tropa ang VSAT para sa mabilis na pagbato ng impormasyon sa mga battalion headquarters in terms of their operations, naging malaking tulong din ito sa mga estudyante at guro na ngayon ay kinakailangan ang internet para maipagpatuloy ang kanilang pag-aaral,” wika ng 7ID Commander.

Image from AFP

Ang naturang proyekto ay bahagi ng ipinatutupad na Army Modernization Act na ang pangunahing layunin ay ang mapaganda ang performance ng mga sundalo sa pagsasagawa ng kanilang field operations.

Ang 7ID ay unang itinatag noong 1988. Kilala rin ito sa tawag na Kaugnay Division. Ito ang primary unit ng Philippine Army na ang espesyalisasyon ay rapid deployment.

Ang headquarters nito ay nasa Fort Ramon Magsaysay sa Nueva Ecija.

Image from AFP

Post a Comment

Previous Post Next Post