Nagpaabot ng paunang tulong pinansyal ang pinuno ng Catholic Church at soberanya ng Vatican City na si Pope Francis sa mga mamamayang nasalanta ng bagyong Odette noong Disyembre 2021.
Sa pamamagitan ng Dicastery for Promoting Integral Human Development at sa pakikipagtulungan ng Apostolic Nunciature sa Pilipinas ay nag-abot si Pope Francis ng 100,000 euro o katumbas ng mahigit P5.8M para sa mga nasirang tahanan at simbahan sa mga probinsya kabilang ang Dinagat Islands, Surigao del Norte, Southern Leyte, Bohol, Cebu, Negros Oriental at Palawan sa Mindanao.

Ito ay pakikiisa ng Santo Papa sa kahirapang nararanasan ng mga mamamayan bilang pinunong pastol ng simbahang katolika.
“It is intended to be an immediate expression of the Holy Father’s sentiment of spiritual closeness and paternal encouragement towards the people and territories affected,” ayon sa pahayag ng Vatican.
Noong December 19, 2021 agad na nagpaabot ng panalangin si Pope Francis para sa mga biktima ng sakunang dulot ng malakas na bagyo kung saan halos sampung milyong indibidwal ang naapektuhan.
Nag-tweet ang Pope sa kanyang Twitter account na may hashtag na #PrayTogether.

Sa kasalukuyan ay puspusan din ang pagkilos ng social arm ng simbahan kabilang na ang Caritas Philippines at Caritas Manila para sa relief, rehabilitation at reconstruction sa sampung diosesis na labis ang pinsalang natamo.
Umaabot na sa 20-milyong piso ang naibahagi ng Caritas Manila na cash assistance sa mga apektadong lugar kabilang na ang Diosesis ng Surigao, Tagbilaran at Talibon sa Bohol, Maasin, Cebu, Kabankalan at Dumaguete sa Negros provinces, Taytay at Puerto Princesa sa Palawan at ang Archdiocese ng Cagayan De Oro.
Maaari ding mag-abot ng kaunting halaga sa pamamagitan ng pag-add to cart sa kanilang store.

Umabot sa mahigit 406 ang mga namayapa dahil sa pagsalanta ng bagyong Odette, 65 indibidwal naman ang nananatiling nawawala ayon sa National Disaster Risk Reduction at Management Council nitong Martes, samantalang 1,265 naman ang sugatan.
Ayon sa NDRRMC, nasa 2,335,757 pamilya ang naapektuhan sa 11 regions at 38 na mga probinsya.