Pinabulaanan ng Malacanang ang mga kumakalat na voice clip sa social media na nakatakdang magdeklara ng Martial Law at total lockdown si Pang. Rodrigo Duterte sa gitna ng patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa bansa.

Imahe mula sa PNA
Sa isang pahayag ay sinabi ni Acting Presidential Spokesperson at Cabinet Secretary Karlo Nograles na walang katotohanan ang mga kumakalat na balitang ito.
“Habang nagpupulong ang gabinete, kumalat kahapon ang isang voice clip ng isang babae na nagsasabing magkakaroon ng total lockdown at Martial Law. Fake news po ito. ‘Wag po tayong magpapaniwala sa mga ganitong uri ng balita,” paliwanag ni Nograles.
Panawagan din niya sa publiko, maging mapanuri sa mga nababasang impormasyon sa social media at kumuha lamang ng impormasyon mula sa mga mapagkakatiwalaang sources.

Imahe mula sa PNA
“Please get your news and information from credible sources only. Kaya naman po binabalita agad natin ang mga bagong hakbang laban sa COVID para alam kaagad ito ng taumbayan,” dagdag pa ni Nograles.
Umapela rin siyang itigil na ang pagkakalat ng mga maling impormasyon dahil hindi ito nakatutulong at nagiging sanhi pa ng pag-aalala at panic ng publiko.
“Sa mga walang magawa na gumagawa at nagpapakalat nito, tigilan n’yo na po ito, please,” pakiusap ni Nograles.

Imahe mula sa PNA | World Health Organization
“Hindi ito biro. You are dealing with a real threat that understandably concerns our people and spreading baseless and malicious rumors contributes to unnecessary anxiety and to needless panic. Hindi po ito nakatutulong.”
Ayon sa Department of Health (DOH), nasa 102,017 na ang aktibong kaso ng COVID-19 sa kasalukuyan, kabilang na rito ang 26,458 bagong kaso na naitala noong January 8.
Paalala nila, huwag maging kampante sa banta ng COVID at patuloy na sundin ang minimum public health standards kagaya ng pagsusuot ng face mask, pagsunod sa physical distancing, at paghuhugas ng kamay.