Roosevelt Ave. sa QC pormal nang ipinangalan kay FPJ

Nilagdaan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang batas para gawing Fernando Poe Jr. Avenue ang halos tatlong kilometrong Roosevelt Avenue sa Quezon City.

Nitong Huwebes, Enero 13, inilabas ng Malakanyang sa mga mamamahayag ang pirmadong Republic Act 11608 na ipinasa ng Senado noong nakaraang Setyembre.

Roosevelt Ave.| Imahe mula sa Wikipedia

“The Department of Public Works and Highways shall issue the necessary rules, orders, and circulars to implement the provisions of this Act within sixty (60) days from its effectivity,” saad ng naturang batas.

“This Act shall take effect fifteen (15) days after its publication in the Official Gazette or in a newspaper of general circulation,” dagdag pa nito.

Lubos naman ang pasasalamat ng anak ni FPJ na si Senador Grace Poe at ang kaniyang inang si Susan Roces.

Ani Poe, umaasa silang magsisilbi pisikal na paalala sa bawat Pinoy na magdaraan sa FPJ Avenue na ‘walang pangarap ang masyadong malaki at walang layunin na hindi kayang maabot’.

Screenshot mula sa Facebook| Sen. Grace Poe

“Nawa’y magsilbing ehemplo ng katatagan, pagpupunyagi at pag-asa ang buhay ni FPJ sa ating mga kababayan. Nagpapasalamat ako at ang aking pamilya sa batas na ito,” wika ng senador.

Pinasalamatan din ni Susan Roces ang pamahalaan dahil sa pagkilala at pagpapahalaga nito sa kaniyang kabiyak na itinanghal ding National Artist ni dating Pangulong Noynoy Aquino.

“Maging inspirasyon sana ang kababaang-loob, malasakit sa kapwa, at pagmamahal sa sining ni FPJ sa bawat daraan sa abenidang ito,“ ayon sa maybahay ni FPJ.

Screenshot mula sa You Tube| Ang Probinsyano

Si FPJ ay lumaki sa Roosevelt Avenue kung saan matatagpuan din ang kanilang ancestral home. Ang naturang kalsada ay may habang 2.9 kilometro at nasa pagitan ng EDSA at Quezon Avenue. Malapit din sa lugar ang FPJ Studios ng tinaguriang ‘King of Philippine Movies’.

Ilang dekadang naghari sa pinilakang tabing ang tinatawag ding ‘Da King’ at nakilala sa hindi mabilang na mga pelikulang tinangkilik ng masang Pilipino tulad ng ‘Ang Panday’, ‘Ang Probinsiyano’, ‘Agila,’ ‘Isang Bala Ka Lang’, ‘Kapag Puno Na Ang Salop,’ at marami pang iba.

Siya ay namaalam sa mundo noong 2004 sa edad na 65, ilang buwan matapos matalo kay Gloria Macapagal-Arroyo sa presidential election.

Post a Comment

Previous Post Next Post