Naantig ang mga netizen sa kuwento ng isang tatay na mag-isang nagdiwang ng kaniyang kaarawan sa loob ng isang fastfood resto habang kausap lamang ang kaniyang pamilya sa pamamagitan ng cellphone.
Ibinahagi sa Facebook ni Trixie Ann Eras Manuel ang malungkot na kuwentong ito na nakunan pa niya ng ilang larawan sa loob ng isang fastfood chain.

“Sobra akong nalungkot nang makita namin si Tatay sa isang fast food chain. Hindi ko alam kung anong magiging reaksyon ko sapagkat ngayon lamang ako naka-saksi ng ganitong uri ng pangyayari sa buong buhay ko,” bahagi ng netizen.
Sa mga larawang ibinahagi ni Trixie, makikita si Tatay na nakaporma at bakas din sa kaniyang mukha ang kasiyahan, kahit pa mag-isa lamang siya.
“Akala ko sa mga drama lang nangyayare ito pero hindi! Sine-celebrate ni Tatay ang kanyang ika-69 taon nang mag-isa at walang kasama,” wika ni Trixie.

Makikita sa mesa ang isang cake na may sinding kandila at isang order ng pagkain habang nagpapakuha ng larawan si Tatay. Kinausap niya rin ang kaniyang pamilya sa kanyang telepono habang ipinakikita sa kanila ang kaniyang simpleng handa.
“Habang ipinapakita ni Tatay ang kanyang handa sa kanyang asawa’t mga anak sa pamamagitan ng pagtawag sa telepono hindi ko alam kung anong lungkot ang bumabalot sa aking puso,” ayon pa sa netizen.
“Para sa iyo Tatay nawa’y bigyan ka pa ng Panginoon ng lakas para sa mga pagsubok na haharapin mo pa sa buhay. Mag-iingat ka po lagi Tay MALIGAYANG KAARAWAN PO SA IYO TATAY AT PAGPALAIN KA,” dagdag pa ni Trixie.
Kaagad namang umani ng pagbati si Tatay mula sa mga social media users na nadurog ang puso sa kaniyang kuwento. Mabuti na lamang at sinamahan siya ng crew at ilang naroroon at inawitan pa ng birthday song. Ang video ay nakakuha ng 509K views! Bumuhos ang pagbati para kay Tatay.

Nag-viral ang Facebook post na ito ni Trixie noong nakaraang taon pa ngunit patuloy na umaantig sa puso. Mayroon din kasing mga naka-relate at nakaranas mag-birthday nang mag-isa. Umabot na sa mahigit 41,000 reactions, 1,300 comments at 26,000 shares ang nakuha nito.
Nag-Enero na naman at nadagdagan muli ng taon ang kanyang edad; 70 na siya! Nawa’y hindi na niya ito mag-isang ipinagdiwang.
Tatay, maging sino ka man at maging nasaan man ang iyong pamilya, Happy Birthday po at sana ay patuloy kayong pagpalain ng Maykapal!