Xian Gaza binalaan ang nagsampa ng kaso laban kay Lolo Narding: “Hahanapin kita, kumapit ka na”

Mukhang desidido si Xian Gaza na turuan ng leksyon ang taong nagsampa ng kaso laban sa matandang namitas ng mangga sa Pangasinan.

Laman ng mga balita nitong Miyerkules ang kaawa-awang sitwasyon na sinapit ng 80 anyos na si Lolo Narding sa bayan ng Asingan matapos itong ipadampot dahil sa pagpitas ng nasa 10 kilong mangga.

Katwiran naman ni Lolo, siya ang nagtanim ng puno subalit binakuran na lamang ito at inari ng nagsampa ng kaso.

Maraming netizen ang nagpuyos ang kalooban sa diumano’y walang pusong nagsampa ng reklamo at nagpadampot sa matanda.

Kabilang na rito ang kontrobersiyal na negosyanteng si Xian Gaza.

Sa isang Facebook post, binalaan na ni Xian ang naturang tao na hahanapin niya ito.

“Doon sa taong nagsampa ng kaso kay Lolo Narding nang dahil lamang sa iilang mangga na kanyang pinitas, hahanapin kita. Kumapit ka na. Ipapakilala kita sa buong Pilipinas,” babala ni Xian.

Nagbahagi pa ito ng larawan at pinangalanan ang lalaking sangkot. Ani Xian, isa itong truck driver at siyang caretaker ng property na katabi ni Lolo Narding.

“Apat na beses silang nagharap sa barangay. Hindi nagkasundo. Tinuluyan si Lolo Narding at hindi pumayag na makipag-areglo para sa kanyang ego,” bahagi ng negosyante.

Sa pinakahuling update din ni Xian nitong Huwebes, muli itong naglabas ng warning sa taong pipirma naman umano sa release order ni Lolo Narding.

“Kung nababasa mo ‘to at ikaw yung pipirma sa release order ni Lolo Narding, kapag hindi ka pa pumirma today eh ipo-post kita mamayang gabi,” anito.

Maraming netizens naman ang natuwa sa ginawang pagtulong ni Xian kay Lolo Narding.

Samantala, batay sa mga ulat, nasa P6,000 ang piyansang kinailangan ni Lolo at sinubukan na umanong pag-ambag-ambagan ang naturang halaga ng mga pulis sa Asingan.

Sa pinakahuling update naman, nakalaya na umano si Lolo nitong Huwebes, Enero 20, subalit ang arraignment para sa kaniyang kaso ay itinakda sa ika-8 ng Pebrero.

Nagpaliwanag rin ang Asingan PIO na nasa maayos na kalagayan si Lolo Narding at inalagaan ito ng kapulisan nang naroon pa si lolo.. Humingi rin sila ng dispensa sa may-ari ng property na katabi ng matanda at sa caretaker nito.

“Huwag din po sana natin i-bash ang may ari ng lupa at ang caretaker nito, sa katunayan sila pa ang nagpupursige na mapawalang bisa ang inihain na reklamo,” ayon sa Asingan PIO.

Post a Comment

Previous Post Next Post