Viral sa social media ang isang lolo na nag-apply bilang call center agent sa Cebu dahil napabilib niya ang marami sa kanyang dedikasyon at husay. Ang kaniya umanong tagumpay, alay niya sa namayapang misis.
Makikita sa litrato na mahaba ang pila ng mga aplikante sa job fair na ito sa Bogo city, Cebu. Marami sa kanila ang nag-a-apply bilang call center agent. Isa na rito si lolo Rotellio Escanilla, 73 taong gulang.
Maraming napabilib kay lolo at pinatunayan niyang ‘age doesn’t matter.’
Sa panayam ng Frontline Pilipinas, tinanong si Lolo Rotellio kung ano ang nagtulak sa kanya upang mag-apply bilang call center agent.

“Nandito lang ako sa bahay parang I feel wasted eh. Gusto ko ngang pumasok sa Red Cross, gusto kong mag-engage sa mga religious activities pero, hindi ‘yun ang nakakahiligan ko eh. Confident naman ako na malalagpasan ko ‘yung interviews,” aniya.
Sa kabila ng kanyang edad, very confident pa rin si lolo na kayang-kaya pa niyang makipagsabayan sa mga mas batang empleyado.
“More than just stress, kasi nga sabi nila, being a call center agent is very stressful, para sa akin, stress is just a state of mind.”

Expertise na raw pala talaga noon ni lolo ang makipag-sales talk.
“I have always been a salesman, ‘yun talaga ‘yung obsession ko eh, magiging professional salesman ako. So ‘yun ang nagiging trabaho ko, so I started from selling encyclopedias to insurance at kung ano-ano na lang ‘yun,” kuwento niya.
Sa kabila ng kanyang pagiging masigla at masiyahin, may nami-miss daw si lolo Rotellio.

“There are times na sana nandito si misis para ma-share. Ma-share naming dalawa ‘yung joy and seeing places like ngayon, nag-viral ako sa internet. Hindi pa nangyayari ito sa tanang buhay ko eh, dapat si misis nandito rin eh para she will share with me this joy and excitement,” pagbabahagi niya.
Bukod sa inaplayang trabaho, may piggery business naman daw si lolo Rotellio kasama ang kanyang mga anak at apo. Sa ngayon, waiting na lang si lolo sa final call ng BPO company na pinag-aapplyan niya, at kapag officially hired na ay padadalhan daw si lolo ng computer at iba pang equipment para sa kanyang work from home set-up. Goodluck po!
PANOORIN: