Ipinagtanggol ni Diwa Partylist Rep. Michael Aglipay ang naging desisyon ng House Committee on Good Government and Public Accountability na iabsuwelto ang dalawang dating matataas na opisyal ng pamahalaan sa pagkakasangkot sa isyu ng Pharmally.
Sa inilabas na desisyon ng committee, inirerekomenda nito ang pagsampa ng kasong ‘syndicated estafa’ laban kina Pharmally president Huang Tzu Yen, director Linconn Ong, treasurer Mohit Dargani at tatlong opisyal ng kompanya na sina Twinkle Dargani, Justine Garado at Krizle Mago.

Paliwanag ni Aglipay, bagama’t totoo ngang lubhang mataas ang presyo ng mga medical items na binili, kailangan nilang isaalang-alang ang mga ebidensiyang napasakamay nila at lumalabas umano na wala naman talagang overpricing na nangyari.
“Personally, I would think as everybody else na the prices nga were too high but we have to follow the evidence and the rules and those followed by the DBM who set forth the rules that the price during the pandemic to be followed in the purchases are the retail price, not the wholesale price,” ani Aglipay sa panayam ng ANC.

Bukod dito, tuluyan na ring pinaa-abolish ng House panel ang Procurement Service ng Department of Budget and Management (PS-DBM).
‘Di kasalanan ang katangahan’
Samantala, inabsuwelto naman ng committee sina Yang at Lao dahil rin sa kakulangan ng ebidensiya.
Sa panayam kay Aglipay ng Radyo 5, sinabi ng kongresista na niloko lamang ng Pharmally si Lao at hindi ito kasalanan ng dating opisyal.

“Niloko nila si Lloyd Lao dahil napakita nga nila na kayang kaya nila,” ani Aglipay.
“‘Di naman kasalanan ang katangahan, ‘di ba? Paniwalang-paniwala si Lao na magaling sila, malaki silang kumpanya, and qualified sila. Si Lao, sa lahat ng dokumento malinis kasi,” dagdag pa nito.
Para naman kay Yang, wala rin umanong kasalanan ang Davao businessman dahil nagpautang lamang ito sa Pharmally.

“Pinakanakita lang natin na siya ay nagpautang ng malaking pera, billions, sa Pharmally, so that means ‘yun lang ang kanyang participation. Hindi naman krimen magpautang ng pera,” paliwanag pa ni Aglipay.
Sa isinagawang imbestigasyon sa Senado, lumabas na umabot sa P11-bilyong kontrata ang nakuha ng Pharmally mula sa PS-DBM sa kabila ng pagkakaroon lamang ng paid-up capital na P625,000 noong 2019.