Irereklamo ng isang barangay sa Catanduanes ang isang diagnostic laboratory sa Catanduanes matapos matuklasan ng mga opisyal na sa kanila nagmula ang mga medical waste na basta na lamang itinapon sa tabing-dagat.
Walong bata kasi ang napag-alamang nagpositibo sa COVID-19 matapos paglaruan umano ang naturang medical waste.

Ayon sa mga opisyal ng Barangay Concepcion sa Virac, natagpuan ng isa nilang kagawad ang ilang bag ng basura na mga itinapong medical waste pala ang laman noong Enero 24.
Nadiskubre na ang laman nito ay libo-libong gamit na hiringilya, blood samples tubes na ginagamit para sa COVID-19 at HIV test kits.
Pinaglaruan daw ito ng mga bata sa lugar na kinalaunan ay nagpositibo sa COVD-19.

Isinailalim sa antigen test ang mga bata noong Enero 24 rin at nagpositive nga ang mga ito. Kaagad naman silang nag-home quarantine pati na ang kanilang pamilya.
Muli silang isasalalim sa RT-PCR test kapag nakumpleto na ang limang araw na isolation period.
Kaagad namang nagtungo ang pamunuan ng laboratoryo sa barangay upang humingi ng paumanhin at magpaliwanag.

“Nagkaroon daw ng switching. Bale, instead na ibasura ‘yung mga papel, ‘yung basura na laman daw ‘yung mga medical waste ang naiabot dun sa solid waste management officer o street sweeper ng isang barangay na pinakisuyuan nilang magtapon ng basura,” pagbabahagi ni Brgy. Captain Anthony Arcilla.
Sa kabila nito, desidido pa rin ang barangay na sampahan ng reklamo ang laboratory.

“Kasi dapat responsable and aware sila pagdating sa proper disposal of wastes, lalo na ang mga medical waste kasi may negatibong epekto ‘yan sa health ng community,” wika ni Arcilla.
Tiniyak naman ng MENRO, Virac na magsasagawa sila ng inspection sa lugar at bibigyan nila hanggang Pebrero 4 ang nasabing laboratory para makapag-submit ng position paper.