Patuloy pang nadagdagan ang bilang ng mga nawawalang sabungero na umabot na ngayon sa 26 katao.
Ayon sa ulat ng GMA News, sinabi ng CIDG na kabilang sa 26 na nawawala ay isang 22-anyos na babaeng buntis mula sa Cavinti, Laguna na si Jonalyn Lubuguin.
Napag-alaman na huling nakita si Lubuguin noong Enero 7 nang sunduin ito ng kaniyang nobyong si Nomer de Pano, 30 anyos, upang sumali sa isang derby sa Sta. Cruz, Laguna.

Simula noong araw na iyon ay hindi na nakauwi at hindi na nakita pa ang magnobyo, ayon sa mga kaanak nila.
Batay naman sa kanilang pagsisiyasat, sinabi ni Laguna police chief Police Lieutenant Colonel Paterno Domondon na maaaring may kinalaman ang pagkawala ng dalawa sa diumano’y ‘game fixing’ sa sabong.
“In-admit naman ng isa sa relatives ng mga nawawala na talagang napapansin ng kasama nila na may pinapakain sa manok. ‘Yan po ‘yung iniimbestigahan natin, ‘yung tsope na sinasabi po nila, ‘yung sa game fixing,” bahagi ng opisyal.
Sa ngayon, wala pa umano silang hawak na sapat na ebidensiya para magsampa ng kaukulang kaso.
Samantala, nitong Lunes, Enero 31, ay sinubukan namang pumunta ng Malakanyang na nasa 30 kaanak ng nawawalang sabungero upang humingi ng tulong kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Subalit hindi na sila nakapasok ng Malakanyang sapagkat sa Mendiola pa lang ay hinarang na sila ng mga pulis dahil sa kawalan ng permit.
Kung matatandaan, unang napaulat ang apat na kalalakihan mula Rizal na nagpunta sa sabungan sa Sta. Cruz noong Enero 13 ang hindi na nakita pa.
BASAHIN: Bilang ng nawawalang sabungero, umakyat na sa 20; PNP inaalam pa kung may sindikatong sangkot

Kasunod nito ay 6 ring sabungero ang ‘naglaho’ matapos bumisita sa isang sabungan sa Sta. Ana, Manila sa kapareho ring araw.
Natuklasan din kinalaunan ng PNP-CIDG na may 10 pa palang sabungero mula sa Bulacan ang nawawala rin mahigit walong buwan na ang nakararaan, ayon sa kanilang mga kaanak.
Patuloy pa rin ang imbestigasyon sa kaso upang malaman kung may sindikato na sangkot sa misteryosong pagkawala ng mga sabungero.