Mahigit isang dekada mula nang mawala ang kanyang ka-love team, hindi pa rin nakalilimutan ng aktres na si Lauren Young ang kaarawan ng late young actor na si AJ Perez.
Sa Twitter, binati Lauren ang kanyang onscreen partner at mabuting kaibigan na si AJ, na dapat sana ay 29 years old na ngayong Pebrero kung hindi naganap ang isang malagim na trahedya noong Abril 2011. Kalakip ng pagbati ng aktres ay ang mga lumang litrato nila ng aktor na nakatrabaho niya sa Star Magic Presents: All About A Girl at Abt Ur Luv noong 2006.

Agad namang nagbalik-tanaw ang mga nakakaalala pa sa late Kapamilya star, lalo na ang mga 20-something na naging bahagi ng teenage years ang pagsubaybay sa dalawang popular teen stars. Sa isip ng ilan, sariwa pa maging ang role na ginampanan nila sa kanilang mga palabas noon.

Samantala, sa Twitter account naman ng kapatid ni AJ na si Angello, ibinahagi nito ang larawan ng puntod ng late teen star.
Matatandaang ilang beses na ring naantig ang marami sa mga post ni Angello, lalo na sa tuwing iaalay nito sa kanyang kuya ang mga magagandang bagay at pangyayari na dumarating sa kanya, katulad na lamang ng graduation nito.
“Nine years since you left, but I’ve always made it a point to dedicate all my accomplishments to you. You would have been a college graduate by now. This year, I’d like to believe that we are graduating together and I will be thinking of you when I receive that diploma. Thank you for always being my inspiration,” saad ni Angello sa caption ng graduation picture niya kung saan bitbit niya ang naka-frame na litrato ng late actor.

Isa ka rin ba sa mga naging tagahanga at patuloy na humahanga kay AJ? Ano ang pinakapaborito mong eksena o papel na ginampanan niya?