Viral ngayon sa social media ang pagsasanib-puwersa ng ABS CBN at YouTube at marami ding netizens ang natuwa dahil magbabalik na daw ang lakas ng Kapamilya network.
Sa kauna-unahang pagkakataon sa Pilipinas, inanunsyo ng ABS-CBN, Enero 07, 2022, ang pakikipagsanib-puwersa nito sa YouTube para bumuo at makagawa ng bagong orihinal na serye.
At ngayong summer, sisimulan na ang unang ABS-CBN Entertainment Youtube exclusive na daily series.
Pinamagatang “How to Move On in 30 Days,” tampok sa romantic-comedy ang bagong team-up nina Maris Racal at Carlo Aquino.

Sinusundan ng serye ang karakter ni Racal na hindi sinasadyang itinaboy ng kanyang dating kasintahan at nangako ito na magmu-move on sa loob ng 30 araw.
Isinalaysay niya ang kanyang journey sa kanyang vlog at kalaunan ay kinuha nito si Aquino bilang kanyang fictitious boyfriend na may intensyon na gumaling mula sa heartbreak.
Matapos ang 30 araw ng pagsisikap na kalimutan ang nakaraan, makikita kung ang karakter ni Racal ay ganap nang makaka-move on, o kung ang kanyang mga pagsisikap ay mapatutunayang walang saysay.

Ito ay sa ilalim ng direksyon nina Benedict Mique at Dick Lindayag. Kasama rin sa serye sina Albie Casiño, John Lapus, Jai Agpangan, Sachzna Laparan, Kyo Quijano, Sherry Lara, Poppert Bernadas, Hanie Harrar, Elyson De Dios, at James Bello.
Ang co-production deal na ito sa pagitan ng ABS-CBN at YouTube ay ang pinakabagong inisyatiba ng Kapamilya network.
Layunin ng inisyatibo na palawakin ang mga handog nitong digital content at abutin ang mas maraming audience sa video streaming site na may layuning makapaglingkod sa mas maraming Filipino sa iba’t ibang platform.

Ang ABS-CBN ay nag-i-stream ng mga live at on-demand na palabas sa pamamagitan ng Kapamilya Online Live sa YouTube. Nag-aalok din ito ng “Made for YouTube” entertainment, lifestyle, at music show, at ABS-CBN Superview, na nag-aalok naman ng libreng streaming ng mga hit na pelikula.
Ang lahat ng digital na palabas ay napapanood sa ABS-CBN Entertainment, na may 38.1 milyong subscribers at may pinakamaraming views na umabot na sa 45 bilyon sa YouTube channel sa Southeast Asia.