Hinimok ng aktres na si Angel Locsin ang publiko na maging matalino sa pagpili ng kandidatong kanilang iboboto sa darating na halalan ngayong Mayo 2022.
Nagbigay ng paalala si Angel, isang araw matapos ang opisyal na pagsisimula ng campaign period, habang ipinapakita ang isang larawan na may katagang “Never Again” sa kanyang Instagram account nitong Pebrero 9.
“Ngayong simula na ang kampanya, at ang mga pulitiko are putting their best foot forward, PLEASE LANG — kilatising mabuti ang bawat pulitiko,” aniya sa kanyang IG.

Paalala ng aktres, “Huwag bumoto ng may bahid ng kurapsyon, sinungaling, nagmamanipula ng batas, tamad, malabo at hindi makatotohanang plano sa bansa.”
“Kaya kung napasaya ko man kayo kahit paano, o kahit para sa sarili nyo na lang, please lang, VOTE RIGHTLY!” dagdag pa niya “Pag-isipan rin kung sino ang susuportahan!”

Kilala si Angel sa kanyang mga gawaing sibiko at mga adbokasiya na may kaugnayan sa edukasyon, kalusugan at sa paglaban sa karahasan sa tahanan.
Kamakailan ay nagpaabot siya ng tulong sa mga biktima ng super typhoon Odette sa Visayas at Mindanao, kasama ang kapwa artista at kaibigang si Kris Aquino. Nagbigay si Angel ng donasyon na nagkakahalaga ng P2 milyon.
Nakatakdang bumida ang aktres sa Philippine adaptation ng hit French show na “Call My Agent” kasama ang aktor na si Edu Manzano.
Ang Filipino remake ay ididirek ng kilalang filmmaker na si Erik Matti, kasama si Dondon Monteverde bilang executive producer.

Noong nakaraang Disyembre, napabilang din siya sa Tatler Asia’s Most Influential list na nagtatampok ng 300 Filipino personalities mula sa showbiz stars hanggang sa business executives.
Hindi ito ang unang pagkakataon na kinilala ni Tatler ang beteranang aktres. Noong 2020, kabilang si Locsin sa mga personalidad na tinanghal na “Leaders of Tomorrow” sa ikalimang edisyon ng Tatler Asia’s Gen T list.