Angkas rider na pumasa sa licensure exam, nag-alok ng libreng sakay bilang pasasalamat

Isang delivery rider na kakapasa lamang sa licensure exam ang naispatan ng isang netizen na nag-aalok ng libreng sakay sa mga pasahero.

Kuwento ng uploader ng mga larawan na si Mark Ryan Correa, nakita niya ang kapwa Angkas rider na may nakapaskil sa likod ng motorsiklo nito sa may bandang UP Technohub.

Nilapitan niya umano ito at kinausap at napag-alamang kakapasa lang pala ng rider sa Criminology Licensure Examination.

“Nag-offer pala siya ng libreng sakay sa mga pasahero dahil nakapasa siya sa criminology board exam po,” bahagi ni Mark Correa sa panayam ng Inquirer.

Dahil dito, na-inspire daw ang uploader na gayahin din ito kapag siya naman ang nakapasa sa Teacher’s Board Exam.

“Kasi may incoming licensure exam for teachers po ako. At ‘pag ako din po ang nakapasa, gagayahin ko po  kasamahan ko po. Mas ginanahan pa po ako ngayon.”

Nakilala naman ang naturang Angkas rider na si Mark Anthony Combate. Ibinahagi niya rin sa Inquirer ang dahilan ng kaniyang pagkakawanggawa.

“Pag may dumating na blessing po sa buhay, dapat po i-share din sa iba,” ani Mark Combate.

Ikinuwento niya rin na hindi siya makapaniwala na nagbunga na ang kaniyang mga sakripisyo. Nagre-review kasi siya sa umaga, habang delivery rider naman sa gabi upang kumita.

Una raw niyang naisip na mamahagi ng ayuda sa ibang tao subalit dahil kapos din siya sa ngayon ay naisipan niyang libreng sakay na lamang ang ialok.

Ito ay bilang pasasalamat niya umano sa biyayang kaniyang natanggap.

Post a Comment

Previous Post Next Post