Julius Babao nilinaw na hindi pera ang dahilan kung bakit lumipat ng network

Nilinaw ni Julius Babao na hindi pera ang dahilan kung bakit siya lumipat sa TV5 matapos ang halos tatlong dekadang pagtatrabaho sa Kapamilya network.

Simula kasi sa susunod na linggo ay mapapanood na si Julius sa ‘Frontline Pilipinas’ bilang kapalit ni Raffy Tulfo. Dito ay makakasama niya ang dati ring Kapamilya anchor na si Cheryl Cosim.

Sa ginanap na mediacon ng TV5 bilang pag-welcome kay Julius sa bago nitong tahanan, iginiit ng dating ABS-CBN News anchor na hindi pera ang dahilan kung bakit siya lumipat ng bakuran.

“Hindi siya factor at all. It’s really about ‘yung growth ko as a news anchor. ‘Yun ‘yung talagang naging basis ko ng pag-transfer dito sa TV5 and doon sa pakikipag-usap ko kay Ma’am Luchi, marami akong nakitang opportunities na pwede kong magawa once na nandito na ko,” paliwanag ni Julius.

“It’s not about money. It’s not about an issue of money. It’s really about yung growth ko as a news personality, as a person,” pagdidiin pa ng dating TV Patrol anchor.

Inamin naman ni Julius na hindi naging madali sa kaniya ang desisyong iwanan ang network na kaniyang naging tahanan nitong nakalipas na 28 taon.

“One of the reasons na masakit for me na iwan ang Kapamilya Network is ‘yung mga shows na ganito. Masyadong naging attached sa akin yung Mission: Possible,” wika nito.

Nang makansela raw ang mga shows niya sa ABS-CBN matapos itong mawalan ng prangkisa, lubhang masakit ito sa kaniya dahil sa dami ng taong natutulungan sana nila.

Nakapanghihinayang man, wala naman daw siyang magagawa dahil kanselado na talaga ang kaniyang mga shows.

BASAHIN: Veteran broadcast journalist Julius Babao, nag-goodbye na rin sa ABS-CBN

“Yun talaga ang pangunahing reason kung bakit may kurot sa puso, na kumbaga, na umalis ako sa Kapamilya, aside sa mga na-establish ko nang mga kaibigan doon, mga minahal kong mga kaibigan na parang mga naging kamag-anak ko na rin. Iyon, ‘yung mga shows na ganu’n,” dagdag pa ng mister ni Christine Bersola.

Nagsimula ang career ni Julius sa himpapawid noong 1990 bilang bahagi ng DZBB ng GMA 7. Taong 1993 naman nang lumipat siya sa ABS-CBN bilang isa sa mga reporters ng TV Patrol.

Sa darating na Pebrero 7, mapapanood na si Julius Babao sa “Frontline Pilipinas” araw-araw simula 5:30 pm kasama si Cheryl Cosim.

Panoorin ang buong media conference:

Post a Comment

Previous Post Next Post