Ayaw tumanggap ng 'lapad'? Nagtitindang ama, sinurpresa ng anak na OFW mula Japan

Gaano ba kasaya ang umuwi sa sarili mong tahanan, sa sarili mong pamilya? At gaano naman kasaya ang mga magulang sa pag-uwi ng kanilang anak matapos ang mahabang panahon?

Isang OFW na umuwi mula sa Japan ang sinurpresa ang kanyang ama sa Pilipinas.

Nagkunwari itong customer sa kanilang mini-store sa Cabuyao, Laguna. Ang kumuha ng video ay ang kapatid nito na kasabwat niya sa kanyang planong pag-uwi.

Maraming netizens ang naantig ang puso at natuwa dahil sa video na ito.

Nang nakarating si Jefferson Leano Naraga sa Pilipinas ay isinikreto niya ito sa kanyang ama na si Julian para surpresahin ito sa kanyang pag-uwi.

Pagkatapos ng kanyang quarantine ay dito na niya isinagawa ang nakaplanong surpresa sa ama, sa tulong ng kanyang mga ka-dance groupmates na VTS sa tiktok.

“Sinabihan ko na din ‘yung mga kapatid ko na i-surprise ko si daddy. Naisip ko na lang po bumili sa tindahan since nagtayo po kasi siya ng tindahan last year,” aniya.

Nang bumili si Jefferson Leano Naraga sa kanilang tindahan inakala niyang agad siyang makikilala ng kanyang ama sa boses, ngunit tila hindi siya nabosesahan nito. Akala ni Tatay ay ordinaryong customer lamang ang kanyang pinagbibilhan.

“Pabili nga po ng Cheez-It, yung cheese po,” sabi niya sa nagtitindang ama.

Nang ibigay ni Tatay ang Cheez-It sa inakalang customer ay nagbayad ang huli ng Japanese money.

Ikinagulat ito ng kanyang ama kaya’t napatingin ito sa bumibili. “‘Di natanggap ng lapad!? Ayaw tanggapin!” natatawang sabi ni Jefferson.

Dito niya na-realize na ang kanyang kaharap pala ay ang kanyang anak na nagtatrabaho sa Japan.

Labis ang saya ng mag-ama. Pinalabas niya ito ng tindahan at nagyakapan silang dalawa.

“Ba’t di mo siinabi?” tanong ng ama.

“Siyempre, may secret bang sinabi?” sagot naman ng anak.

Taon-taon ay nakagawian na ni Jefferson ang umuwi sa kanila subalit dahil sa pandemya ay hindi siya nagkaroon ng tiyansang mabisita ang kanyang pamilya mula noong 2020.

Tatlong taon na ring nagtatrabaho si Jefferson sa isang electronics company sa Japan.

Si Tatay Julian ay isang OFW din noon, na kasalukuyang retiro na pero nagpatayo pa rin siya ng small sari-sari store sa kanilang lugar para maibigay pa rin ang pangangailangan ng kanyang pamilya.

“Thank you daddy sa lahat ng sakripisyo mo sa amin. Kahit wala na si mommy, hindi mo kami pinapabayaan. Sa pagiging mabait na Tatay sa amin, sana makasama ka pa namin nang matagal, alagaan mo lagi ang sarili at kalusugan mo.”

“Thank you sa lahat-lahat, you’re the best Dad ever! Mahal na mahal ka namin,” mensahe ng anak sa kanyang ama.

Post a Comment

Previous Post Next Post