Prioridad nating mga pet owner ang kaligtasan ng ating mga alaga, kaya naman hindi natin basta-bastang iiwan ang mga ito, maliban na lamang kung talagang kailangang-kailangan. At kung iwanan man, titiyakin natin talaga na nasa mabuti silang kalagayan o may bantay na titingin para siguraduhing ligtas sila sa kapahamakan—katulad na lamang ng pagbili ng isang pet owner ng closed-circuit television (CCTV) camera para ma-monitor mismo ang lagay ng kanya alaga habang siya ay wala pa.
Sa Facebook group na Chow Chow Owners Philippines, ibinahagi ng miyembro na si Aubrey ang isang litrato kung saan makikita na tila nakabantay sa CCTV camera na kanilang in-install ang kanilang fur baby.
“Bumili ako camera pambantay sa kanya pero mukhang siya ang nagbabantay sa camera,” saad niya sa caption ng ibinahaging larawan.

Kinaaliwan ng maraming miyembro ang post na ito ni Aubrey, kaya naman nakakuha na ng libo-libong kumento ang kanyang post at mayroon na ring 28,000 shares at lampas 38,000 reactions.
“It’s a tie daw po. Bantay siya, bantay niya rin,” saad ni R. Lansangan.
“Hahahahaha walang lalabas na chicken diyan, hoy!” kumento ni M. Stanford.
Wika naman ni T. Belle, “Check ni Bebe kung working po raw ‘yong nabili n’yong CCTV. Approved po raw sa kanya, Mommy.”

Natatawang kuwento ng pet owner sa Facebook page kaugnay sa alagang si Bulbasaur, sa murang edad pa lamang nito ay sanay na sanay nang tumingin sa camera kaya siguro pati ang CCTV ay pumukaw sa atensiyon nito.

Samantala, nakakuha naman daw ng ideya ang ibang pet owner sa kagandahan ng pagkakaroon ng CCTV camera para i-monitor ang kanilang mga alaga. Bukod sa sigurado sila at makatututok sa lagay ng mga ito habang nasa malayo, makukuhanan din ang cute moments ng mga ito at madarama nila na para bang magkakasama rin sila kahit pa wala sa kani-kanilang mga tahanan.