Sa gitna ng mga away-politika nitong mga nakaraan, isa na marahil sa mga pinakamagagandang bagay na maaaring masaksikan ang pagkakaisa sa pagitan ng mga Pilipinong may iba’t ibang sinusuportahan, katulad na lamang ng viral na litrato ngayon ng mga huwarang supporter ng presidential candidates na sina Leni Robredo at Bongbong Marcos.

Sa Facebook page na Pageant Avenue, ibinahagi ang larawan ng mga suporter nina Robredo at Marcos na masayang nagbatian nang magkita sa daan habang ikinakampanya ang kani-kanilang presidential bet. Bagama’t wala pa rin daw nakaaalam ng buong kuwento sa likod ng nasabing encounter, maituturing daw itong inspirasyon ng mga Pilipino habang papalapit na ang eleksyon na gaganapin sa Mayo.
“Leni at BBM fans, support lang tayo for a better Philippines. Raise your flag! Mahalaga ang Unity at Pag-Angat ng Buhay ng Lahat,” saad sa caption ng imahe na nakakuha na ng mahigit 14,000 shares at lampas 19,000 reactions.
Marami ang natuwa at nagsabi na nararapat lamang na magkaisa pa rin ang mga Pilipino kahit na hindi pare-pareho ang kanilang mga sinusuportahang partido at nais manalong kandidato.

“Solid BBM ako pero ganiyan sana, good vibes lang ang dalawang magkaibang sides,” ani L. Lahom.
“Respeto kung ano ang mga paniniwala ng bawat isa,” ani I. Astudillo. “Wala namang masama kung ano ang gusto ng iba, ng kapwa natin, kasi ‘yon ang karapatan nila, ‘yon ang gusto nila. Pero mga Pilipino tayo at sana kahit sino manalo naroon pa rin sana ang respeto.”

“Sana lagi na lang po ganito. Sana po lahat tayo ganito, may pagkakaiba man sa ating sinusuportahan, parehas naman po tayo ng gusto: ang payapa at magandang Pilipinas. Hindi po tayo magkakaaway, hindi po tayo magkakalaban mapa-pula, pink, o kahit anong kulay man, iisa pa rin po tayo. Tulad sa rainbow, hindi po ba’t mas magandang tingnan kung sama-sama po tayo? Hindi nagsisiraan, kung hindi buklod-buklod,” kumento naman ni R. Valenzuela.
Sa huli, wika ng marami, para pa rin sa Pilipinas ang lahat kaya hindi kailangang magkasira dahil lamang sa pagkakaiba-iba ng paniniwala.