Bongbong, Sara magkaiba ang naging pahayag sa pagkakasama ni Robin sa UniTeam slate

Nagkaroon ng kalituhan ang pagkakasama ni Robin Padilla sa senatorial slate ng UniTeam nina Bongbong Marcos Jr. at Sara Duterte-Carpio.

Sa proclamation rally ng Marcos-Duterte tandem sa Paoay, Ilocos Sur nitong Miyerkules, Pebrero 16, inanunsiyo ni Inday Sara na kumpleto na ang kanilang Magic 12 sa Senado dahil sa pagkakasama ni Robin sa kanilang lineup.

“Una po sa mga kasamahan namin sa UniTeam, 12 na po kami ngayong araw na ito,” panimulang introduksyon ni Duterte-Carpio bago isa-isang ipinakilala ang 11 senatoriables ng UniTeam,

Pinakahuling nabanggit  ang pangalan ng aktor na sumasama na rin sa caravan ng UniTeam bagama’t hindi ipinakikilalang opisyal na kandidato ng kanilang grupo.

Matapos umakyat sa entablado at bigyan ng pagkakataong magsalita, kumanta pa si Binoe ng ‘Wonderful Tonight’ ni Eric Clapton.

Subalit nang si Marcos na ang nagsalita, sinabi nitong hindi pa ganap na kabilang sa grupo ang tinaguriang ‘Bad Boy of Philippine Movies’ na kumakandidato sa ilalim ng PDP-Laban Cusi wing.

“Kahit ‘di po namin kasama sa lineup ng mga senador ay matagal na po nating kaibigan yan,” ani Marcos. “At kaya naman kahit hindi siya technically naisama ay ‘pag ka andyan siya, meron siyang panahon, ay sinasama namin.”

Sa ambush interview ng mga mamamahayag, ganito rin ang tinuran ng presidential aspirant.

Imahe mula sa Facebook| Bongbong Marcos

“Actually, he’s not in the 12 but he’s part of the team,” giit ni Marcos.

Maging si Benhur Abalos Jr. na campaign manager ni Marcos ay hindi rin tiyak kung ano ang tunay na estado ni Robin sa kanilang pangkat.

“We still have to check that you’ve heard what BBM has said di ba he’s our friend that’s what we said so let’s just take it from his speech awhile ago,” ayon kay Abalos.

Inamin rin ni Robin na hindi pa kumpirmado ang kaniyang pagkakasama sa BBM-Sara tandem, at maging siya ay nagulat rin sa nangyari.

“Hindi ko po alam kung confirmed yun. Wala pa pong pormal na usapan. Kasi po yung sa’min ni Ma’am Sara, ano po yun eh, talaga ako’y nasa ilalim, nasa ilalim talaga ako ni Ma’am Sara,” wika nito sa panayam ng mga reporter.

Sa kasalukuyan ang kumpirmadong UniTeam senatorial slate ay binubuo nina dating Quezon City Mayor Herbert Bautista, dating Sen. Jinggoy Estrada, lawyer Larry Gadon, Sen. Sherwin Gatchalian, dating DITC Sec. Gringo Honasan, Rep. Loren Legarda, Deputy House Speaker Rodante Marcoleta, dating presidential Spokesperson Harry Roque, dating Defense Secretary Gibo Teodoro, dating DPWH Sec.Mark Villar, at Sen. Miguel Zubiri.

Post a Comment

Previous Post Next Post