Quiboloy tinawag ang sarili na ‘modern-day Joseph’ matapos mapasama sa wanted list ng FBI

Isang araw matapos pumutok ang balitang napasama sa most wanted list ng Federal Bureau of Investigation (FBI) si Apollo Quiboloy, inihambing ng kontrobersiyal na pastor ang sarili sa isang ‘Joseph ng makabagong panahon’.

Sa kaniyang online sermon nitong Sabado, katulad umano ni Joseph, ang anak ni Jacob na dumaan sa matitinding kapighatian, ay mayroon din ngayong isang taong katulad dito ang pinagdadaanan.

“Tignan n’yo ang dinaanan niyang tribulations. Iyan si Joseph. Ay mayroong modern Joseph ngayon,” anito ayon sa ulat ng ABS-CBN News. “Bago matupad ang ipinangako ng ama sa akin, ang lahat ng ito ay dadaanan ng anak.”

Si Quiboloy ay tinatawag din ang sariling ‘Appointed Son of God’ at ‘Owner of the Universe’.

Bukod dito, inhalintulad niya rin ang nararanasan sa pinagdaanan ni Moses ayon sa Bibliya.

“Anong pinagdaanan ni Moses? Hinabol siya ng taga Ehipto, pati army hinabol siya. Hindi niya alam ang gagawin. Pero pag nasa kamay ng Dyos ang isang tao, do not underestimate, because miracles and miracles will take place,” wika pa ni Quiboloy.

May babala rin ang pastor sa mga ‘humahabol’ sa kaniya ngayon.

“Ayaw kong mangyari ‘yan sa humahabol sa akin. Satanas, bumagsak siya. Habol kasi siya nang habol eh… Makikilala ba si PACQ (Pastor Quiboloy) kung walang tribulations?” dagdag nito.

Noong Enero 31 ay nakasama si Pastor Quiboloy at dalawa niyang kasamahan sa Kingdom of Jesus Christ (KOJC) sa ‘most wanted list’ na inilabas ng FBI kaugnay sa sari-saring kaso.

Nilinaw naman ng Department of Justice (DOJ) na wala pang request na ipinadala ang Estados Unidos sa Pilipinas para i-extradite si Quiboloy upang papanagutin sa korte.

BASAHIN: US wala pang ‘extradition request’ para kay Pastor Quiboloy –  DOJ

Post a Comment

Previous Post Next Post