Comm. Rowena Guanzon nabiktima ng fake delivery orders isang araw bago magretiro

Isang araw bago ang kaniyang nakatakdang pagreretiro sa serbisyo, nabiktima ng fake orders si Comelec Commissioner Rowena Guanzon.

Umabot sa mahigit P5,000 ang halaga ng mga pagkaing nakapangalan kay Guanzon at idineliver sa kaniyang opisina sa Palacio del Gobernador sa Intramuros, Manila nitong Miyerkules, Pebrero 2.

Ang opisyal ng Comelec ay nakatakdang magretiro sa Huwebes, Pebrero 3, matapos ang pitong taong paninilbihan sa poll body.

Simula pa umano noong Martes nang gabi ay marami nang bogus delivery orders na ipinangalan sa kaniya.

“Since last night there are bogus food delivery orders to Comelec under my name,” anang Comelec official sa Twitter.

Nasa 6 o 7 umanong hiwa-hiwalay na orders gamit ang food delivery app ang sunod-sunod na dumating sa opisina ng Comelec na umabot ang kabuuang halaga sa P5,390.

Nilinaw naman ni Guanzon na hindi tinanggap ng kaniyang opisina ang mga naturang orders. Ipinaalam na rin niya umano sa kinauukulan ang insidente at iniimbestigahan na ito.

Naging laman ng balita nitong mga nagdaang araw ang matapang na Comelec commissioner matapos isapubliko ang kaniyang desisyon hinggil sa disqualification case laban kay presidential aspirant Bongbong Marcos Jr.

Partikular na kinuwestiyon ni Guanzon ang pagkakaantala sa pagsasapubliko ng ponencia hinggil sa desisyon ng division na pinangungunahan ni Commissioner Aimee Ferolino, ang ponente sa kaso.

Inakusahan rin ni Guanzon si Ferolino na sinasadya ng huli ang delay upang hintayin muna siyang makapagretiro nang sa gayon ay mapawalang-bisa na ang kaniyang boto.

Nauna nang isinapubliko ng opisyal ang kaniyang opinyon kung saan iginiit nitong dapat madiskwalipika si Marcos sa pagtakbo bilang pangulo sapagkat nabahiran na ang pagkatao nito ng ‘moral terpitude’ dahil sa hindi pag-file ng income tax return.

Post a Comment

Previous Post Next Post