Kung single ka baka double pay ka sa Araw ng mga Puso?
May “sweet deal” para sa mga ‘single’ na empleyado ng lokal na pamahalaan ng Jose Abad Santos, Davao Occidental at General Luna sa Quezon mula sa kani-kanilang mga alkalde ngayong Valentine’s Day.
Sa Facebook account ni Mayor Jason John Joyce ay ipinahayag nito na ang mga single na empleyado ng lokal na pamahalaan ay papayagang makapag-date leave at may allowance pa sa Pebrero 14. Bibigyan ng “date allowance” na P2,000 bawat single na empleyado para gastusin sa Valentine’s Day.
“I will allow you to go on leave on Valentine’s day with DATE ALLOWANCE in the amount of P2,000.00,” pahayag ni Mayor Jason sa kanyang post noong Martes.
Sinabi ni Mayor Jason na ang mga may asawang empleyado, pati ang mga may boyfriend/girlfriend na ay hindi kasama sa deal.
Nais din ni Mayor Jason na may patunay ng date.
“Picture of your actual date upon return to work on Feb. 15. Otherwise, refund date allowance,” ani Mayor. “Ready, set, hanap date!!!! Good luck.”
Samantala, sa General Luna sa Quezon naman ay sinabi ng Alkalde na si Matt Florido sa kanyang FB page na Mayor Matt Florido Withaheart na ang mga single employees ng kanilang munisipyo ay makatatanggap ng double pay sa Pebrero 14. Kung liliban naman ang mga single, magkakaroon pa rin sila ng bayad na bakasyon sa Araw ng mga Puso. Paid leave!
Aniya, ang kabayaran para sa double pay na benepisyo ng mga empleyadong makakasama sa programa ay kukunin umano mula sa kanyang sariling pera, sa sweldo niya ng Pebrero 15, 2022.
Narito ang mga nararapat gawin para makuha ang benepisyo:
1. Magpalista ng pangalan sa ating Municipal Human Resource Office. Ibigay doon ang detalye ng iyong pagiging single sa kasalukuyan (eg. Ilang taon o buwan ng single, bakit ikaw ay walang jowa o nawalan ng jowa.)
2. Mahalaga ang katapatan. Kapag ang totoo ay may jowa ka naman, huwag samantalahin ang programa. Ang maaaring maka avail ng double pay ay SINGLE, WALANG JOWA, WALANG KARELASYON. Ang Mayor’s Office ay may karapatang magsiyasat kung totoo ngang wala kang jowa. Muli, BAWAL ANG SINUNGALING.
3. Sakaling ayaw pumasok ng empleyedong single sa Pebrero 14, 2022 at mas pinili nya na magmuni-muni at pag aralan ang sarili, PAID LEAVE naman ang maaari niyang i-apply sa ating MHRO.

Ayon sa local government unit, ang hakbang na ito ay isang halimbawa ng kanilang “innovative governance.”
Sa post ng Alkalde ay may isang komentor na nagbiro, “How about you Yorme Mayor Matt? Peace bro!!!”
Talaga namang pinaghahandaan ng mga Mayor ng mga naturang lugar ang darating ng Araw ng mga Puso!
Ikaw, qualified ka rin ba sa double pay ?

