Estrangherong gustong makikain? OFW mula Kuwait sinurpresa ang pamilya sa Palawan beach outing

Viral sa social media ang isang OFW mula sa Kuwait na ilang taon na umanong hindi nakakauwi kaya’t sabik na sinurpresa nito ang kanyang pamilya sa Pinas na kasalukuyang nasa beach trip sa Puerto Princesa.

Planado na talaga ng OFW na si Manilyn Cortez ang pagsurpresa sa kanyang pamilya bago pa man ito umalis sa Kuwait.

Aniya, nagdahilan lamang daw siya na hindi makakauwi sa kanyang pamilya na nasa Pilipinas dahil sa pandemic.

Tanging kapatid niyang babae at ang boyfriend ang nakakaalam ng kanyang surpresa.

Ito raw ang kanyang unang bakasyon sa Pilipinas simula noong 2020.

Bilang bahagi ng kanyang plano, lumapit si Manilyn sa kubo kung saan nag-e-enjoy ang kanyang pamilya sa isang beach sa Puerto Princesa at may handang mga pagkain sa mesa.

“Puwede po bang makikain, kuya?” tanong niya ngunit hindi naman siya nakilala ng kanyang pamilya.

Hindi siya pinapansin ng mga kapamilya doon at inakalang isang estranghero.  Makikitang nagtataka ang mga ito kung bakit sila kinakausap ng babae na gustong makikain.

Nakilala naman siya ng isang bata na kasama ng kanyang pamilya.

“Si tita Gingging,” sabi ng bata.

Nang lapitan ito ni Nanay Margarita para kumpirmahin kung siya nga ang OFW na anak ay agad niya itong niyakap nang mahigpit.

“‘Di ko akalain na ganun magiging reaksyon ni Mama,” aniya.

“‘Di na po na-videohan ‘yung moment namin ni Papa na sobrang hagulhol niya sa iyak habang niyayakap niya ako. Sobrang masaya po ako na nakabalik ako ng Pinas para makapiling sila,” dagdag pa niya.

Si Manilyn ay tatlong taon na umanong nagtatrabaho sa Kuwait. Para matulungan ang kanyang pamilya, nagdesisyon siyang magtrabaho sa ibang bansa.

Naka-schedule naman ang kanyang pagbabalik sa Kuwait sa darating na Marso 14, 2022.

“Lahat gagawin ko para sa kanila. Para mapasaya at masuklian lahat ng paghihirap nila sa akin at sa aming magkakapatid. Kahit mahirap ang buhay ay napagtapos nila ako ng pag-aaral kaya lahat ng pagsisikap na ginagawa ko ay para sa kanila.”

Maraming netizens ang naantig ang puso at natuwa dahil sa video na ito.

“Whenever I see this kind of meetings between families, I’m so touched!!! Kailangan pa na magkalayo ang isa’t-isa para lang sa magandang kinabukasan ng pamilya.”

“Sana all, ganyan ang mga anak tumanaw ng utang na loob sa mga magulang na nagpa aral sa kanila.”

Post a Comment

Previous Post Next Post