Unang nakilala bilang isang kuwelang teen housemate sa Bahay Ni Kuya, pasado nga ba ang aktres na si Criza Taa bilang ‘kapatid’ ng “it girl” na si Anne Curtis?

Sa Facebook, ibinahagi ng page na Kapamilya World Online ang litrato ni Criza kasama si Anne. Saad sa caption ng larawan ng dalawang Kapamilya stars, “Twinning Anne Curtis and Criza Taa.”
Dito, napansin ng marami na bukod sa parehong maganda ang dalawang aktres, may pagkakahawig din umano ang dalawa sa isa’t isa.
“Magkamukha sila,” ani R. P. Cañete.
“Wow, kambal kayo,” kumento ni J. P. P. Quinto.
“Ito ‘yong dapat laging young Anne kapag may serye or movie si Anne Curtis. Magkamukha e,” sabi ni R. E. El.
“Puwede silang gumanap na magkapatid sa isang teleserye,” wika ni P. A. Castillo.
Puna naman ni L. M. F. Paway, “Mas magkamukha pa sila kay Jasmine [na tunay na kapatid ni Anne].”

Criza: Ang Apo of the Eye Ng Quezon City
Katorse anyos lamang si Criza nang mapabilang siya sa Pinoy Big Brother (PBB) Otso bilang “Ang Apo of the Eye ng Quezon City”. Dito, minahal siya ng marami dahil sa kanyang pagiging masayahin at sa pagiging malapit niya sa lolang nagpalaki sa kanya.
“Lola’s girl ako. Si Lola, sobrang close ko sa kanya nang sobra. Parang siya na kasi ‘yong mama ko at papa ko,” saad niya, habang ibinabahagi na dating nagtatrabaho sa bar ang kanyang nanay at hindi niya hinanap kailanman ang kanyang ama dahil kahit pangalan nito ay hindi niya alam.
Bukod sa pag-arte, isa rin sa mga passion ni Criza ang pagkanta kaya naman nagkaroon siya ng mga proyekto pagkalabas ng PBB house. Isa sa mga remarkable project niya ay ang He’s Into Her na pinagbibidahan nina Donny Pangilinan at Belle Mariano o ang rising Kapamilya loveteam ngayon na DonBelle.
