Mukhang sasabak na talaga sa mundo ng pageantry ang komedyante at aktres na si Herlene Budol o mas kilala sa screen name na Hipon Girl.
Tila kinumpirma ito ng Philippine Pageants sa kanilang Facebook page nitong Sabado, “Are you ready for her guys! Saang national pageant dapat sumali si Miss Herlene Hipon Budol aka Hipon Girl ngayong taon guys? Welcome to the KF camp girl.”

Sa mga larawan sa Kagandahang Flores Camp FB page ay makikita din si Herlene kasama ang pageant coach at queen-maker na si Rodgil Floresna isa sa mga nangunguna at kilalang beauty pageant training camps sa bansa.
Taong 1996 nang unang mag-recruit ng trainees para sa iba’t ibang national pageants ang KF sa pangunguna ni Flores.
Kabilang sa mga kamakailang queens nito si Miss Grand International 2020 First Runner-Up Samantha Bernardo at Miss Earth 2017 Karen Ibasco.
Hindi pa man pumapasok sa industriya si Herlene ay sumasali na ito sa mga pageants. Naipalabas na rin sa TV ang kuwento ng kanyang tunay na buhay na siya mismo ang gumanap.

Maraming tagahanga ang natuwa na sasali si Hipon Girl sa mundo ng pageantry kaya naman ang naturang post ay humakot ng 5.4k reaksyon at 307 shares, as of posting.
“Pang Miss Grand International si Batla!! Go Ghorl!”
“Miss Grand dahil sa confidence n’ya.”
“Puwede maganda and may substance si miss hipon at ‘yung personality.”
“I see her as the first Miss Grand International from the Philippines.”
Basahin: Hipon Girl walang nakuha kahit ‘singkong duling’ mula sa kita ng dati niyang vlogs
Kamakailan ay inamin ni Herlene na wala siyang natanggap na pera mula sa kinita ng kaniyang You Tube channel dahil sa labis na pagtitiwala.
Sa pagkakataong ito umano ay diretso na sa kaniya ang kikitain ng kaniyang mga vlogs. Noon daw ay wala siyang nakuhang sahod ‘ni singkong duling’ mula sa kaniyang YT channel.

Si Hipon Girl ay nakilala noon matapos maging contestant sa Wowowin kung saan kinaaliwan siya ng mga manonood dahil sa pagiging kalog at sa nakatatawang style ng pagsagot sa mga tanong.
Dahil dito, kinuha siya ni Willie Revillame bilang isa sa mga co-hosts ng programa subalit nawala rin sa show nang magkaroon ng pandemic.
Mapapanood na rin si Herlene sa Kapuso teleserye na “False Positive” kung saan makakasama niya sina Xian Lim at Glaiza de Castro.