Inamin ni Herlene Budol, na nakilala bilang si ‘Hipon Girl’ sa Wowowin, na wala siyang natanggap na pera mula sa kinita ng kaniyang You Tube channel.
Sa kaniyang Facebook post noong Linggo, sinabi ni Hipon Girl na masayang-masaya siya ngayon dahil sa unang pagkakataon ay mayroon na siyang dollar account.

Sa pagkakataong ito umano ay diretso na sa kaniya ang kikitain ng kaniyang mga vlogs. Subalit noon daw ay wala siyang nakuhang sahod ‘ni singkong duling’ mula sa kaniyang YT channel.
“Marami akala mayaman na ako dahil maraming views at daming subs ang hipon girl nyo. Pero ang totoo wala ako nakukuha ni singkong duling mula nagsimula ang channel ko,” paglalahad ng dating Wowowin host.
Nagtiwala raw kasi siya noon na ibigay ang kaniyang password subalit hindi na nakarating sa kaniya ang kinita ng kaniyang vlogs.

“Nakakalungkot lang isipin kasi kahit kani-kanino ako nagtiwala at binigay ko mga password para maka access sila tapos kinahoy lang ang sahod ko,” kuwento pa ni Herlene.
Dahil nga makatatanggap na siya ngayon ng sahod, malaki ang pasasalamat ni Hipon Girl sa kaniyang manager na si Wilbert Tolentino at ang kaniyang kapwa talent na si Daisy Lopez aka ‘Madam Inutz’.
“Kaya answered prayer dumating ang bago kong manager Sir Wilbert Tolentino at inaayos lahat ng kailangan ayusin na walang kapalit. Salamat mima Wilbert Tolentino sa pag gabay sa akin at nag cocomfort lagi sa akin ate Daisy Lopez ng Daisy_licious Ukay,” dagdag pa niya.
Si Hipon Girl ay nakilala noon matapos maging contestant sa Wowowin kung saan kinaaliwan siya ng mga manonood dahil sa pagiging kalog at nakatatawang style ng pagsagot sa mga tanong.
Dahil dito, kinuha siya ni Willie Revillame bilang isa sa mga co-hosts ng programa subalit nawala rin sa show nang magkaroon ng pandemic.
Mapapanood na rin si Herlene sa Kapuso teleserye na “False Positive” kung saan makakasama niya sina Xian Lim at Glaiza de Castro.