Ibinunyag ni Cristy Fermin sa kanilang vlog nitong Lunes, Enero 32, kung ano ang ‘tulong’ na natanggap ni Vhong Navarro noon mula kay Willie Revillame.
Kung matatandaan, isa si Vhong sa mga bumati sa ‘Wowowin’ host nang magdiwang ang huli ng kaniyang kaarawan noong Enero 27.

“May mga pagkakataon na nagbibigay ka ng tulong na kahit hindi hinihingi sa ‘yo at isa ako sa naka-experience nu’n,” wika ni Vhong subalit hindi na binanggit kung anong ‘tulong’ ang kaniyang tinutukoy.
Sa episode ng ‘Cristy Ferminute’, ibinahagi ni Nay Cristy sa kaniyang co-host na si Romel Chika na may kinalaman ang tulong na ito noong masangkot si Vhong sa isang kontrobersiyal na kaso.
Nabugbog at naospital pa nga noon ang ‘It’s Showtime’ host habang nauwi naman sa demandahan ang insidente.
Dahil nga naka-confine si Vhong, dinalaw umano ito ni Willie Revillame.

“‘Ang liit-liit ng kuwarto ni Vhong,’ ika niya. Pag pumunta roon ang mga imbestigador, ang kanyang mga abogado at ang kanyang mga doktor magkakapalitan na halos ng mukha hindi na magkakagalawan sa liit,” kuwento ni Nay Cristy.
Ang siste raw ay pinalipat ni Willie sa mas malaking room ang naka-confine na komedyante. At nang aalis na si Willie ay nag-ipit ito ng tseke na iniwan kay Vhong.
“Umiyak si Vhong, hulaan mo magkano ‘yung nasa tseke?” patuloy ni Nay Cristy. “Anak, one million pesos! E, hindi ‘yun makakalimutan ni Vhong kahit kailan. Kasi unang-una hindi naman siya humihingi.”

Awang-awa daw talaga noon si Willie sa Kapamilya host dahil sa natamo ng katawan at napakaliit pa ng kuwarto.
“Ganu’n naman si Willie kapag talagang kailangan, nagbibigay siya. Napaluha si Vhong Navarro,” dagdag pa ng entertainment host-columnist.
Panoorin ang kanilang talakayan sa buong episode ng ‘Cristy Ferminute”: