Sa pinakabagong vlog ni Ion Perez ay ipinasilip niya ang dati niyang buhay — ang pagiging tindero ng manok sa palengke.
Sa kanyang vlog ay sinabi niyang mamimili siya ng mga sahog dahil malapit na ang birthday ng kanyang ina. Ang naturang video ay kinunan noong Pebrero 3 at in-upload niya noong Pebrero 15.
Dumaan at bumati si Ion sa kanyang tita at pinsan na mayroong puwesto sa palengke. Bumili rin siya ng mga paninda ng mga ito bilang pabuenas at tulong.
Binisita rin niya ang mga dati niyang nakasama sa palengke.

Pinuntahan din niya ang dating puwesto nila ng manukan kung saan siya mismo ang naglalako at nagre-repack ng mga manok.
Ipinakilala rin niya sa kanyang vlog ang katabing puwesto nila na si Aling Baby na napalapit na rin kay Ion. Bumili rin siya rito ng gulay ngunit dahil sa kabutihang loob ni Ion, ay sinobrahan niya ang bayad sa matanda na labis namang ikinatuwa nito.
Makikitang naging emosyonal siya sa pagbabalik-tanaw niya sa palengke.

“Ito ‘yung buhay ko dati, pag walang bumibili, kakwentuhan namin yang si Aling Baby. Yan ‘yung ginagawa namin dati,” aniya.
Ibinahagi rin niya na 2014 at 2015 noong siya ay nagtitinda pa sa palengke.
“Sobrang sarap balikan, as in.”
“Nakakatuwa kasi, si Lola Baby, ‘yung talong P100 lang, binigyan natin siya ng pampasaya pero tuwang tuwa siya. Ang saya lang.”

Hindi naman niya napigilan ang sobrang emosyon na nararamdaman niya.
“Sobrang sarap balikan ng palengke. Sarap lang talagang balikan, sobra.”
Aniya sa lahat, huwag umanong mawalan ng pag-asa, magtiwala lang sa sarili tsaka magdasal at huwag makalilimot sa pinanggalingan.
Basahin: Ang Rebelasyon: Vice Ganda, Ion Perez nagpakasal sa Las Vegas
Si Ion Perez ang mister ng ‘Unkabogable Star’ na si Vice Ganda. Kamakailan ay inanunsyo ng dalawa ang kanilang kasal sa Las Vegas na naganap pala noon pang Oktubre 19, 2021.