Kaso laban kay Lolo Narding ibinasura ng korte

Ibinasura ng korte ang kaso laban kay Lolo Narding na naakusahan ng pagnanakaw ng mangga ng caretaker ng kinatitirikan ng puno sa Asingan, Pangasinan.

Ayon sa ulat ng ABS-CBN News nitong Martes, Pebrero 8, na-dismiss na umano ang kaso laban kay Nardo Flores (tunay na pangalan ni Lolo Narding), batay na rin sa pahayag ng kaniyang abogado.

“Dismissed na po yung kaso ni lolo,” ani Atty. James Fernandez. “Humingi ng paumanhin si lolo sa complainant, and then malugod naman na tinanggap ng complainant ‘yung pagso-sorry ni lolo.”

“With the execution of the affidavit of desistance praying for the dismissal of this case, and the court granted naman yung prayer namin,” dagdag pa ng abogado.

Kaugnay nito, hindi pa naglalabas ng pahayag ang kampo ng caretaker na si Robert Hong.

Maaalalang itinakda ang arraignment para sa kaso ni Lolo Narding nitong ika-8 ng Pebrero. Bago pa man ito, pansamantalang nakalaya ang 83-anyos na matanda matapos maglagak ng piyansa noong Enero 20.

Nag-viral sa social media ang pagkakakulong sa matanda at umani ito ng simpatiya sa maraming netizens na naawa sa kaniyang sinapit, habang marami naman ang nagalit kay Hong dahil sa isinampa nitong reklamo.

Nauna nang sinabi ng caretaker ng lupa na si Robert Hong na handa siyang iurong ang reklamo laban kay Lolo Narding kung aaminin ng matanda ang kasalanan at mag-public apology ito na hindi pa raw nangyayari hanggang sa makulong si Lolo Narding.

Nakiusap rin ito sa publiko na tigilan na ang pamba-bash sa kaniya dahil hindi naman umano alam ng mga tao ang tunay na nangyari.

Post a Comment

Previous Post Next Post