May patutsada si dating Comelec commissioner Rowena Guanzon kay Robin Padilla na tumatakbong senador sa darating na halalan.
May kaugnayan ito sa sinabi ng aktor sa isang panayam tungkol sa usapin ng EJK sa bansa. Ayon kasi sa aktor, kasama na raw ang EJK sa pagsugpo ng mga masasamang elemento sa lipunan.

Image from Robin Padilla
“Kasama na talaga ‘yan. Ang EJK kasama na ‘yan. Si Andres Bonifacio nga ang unang biktima ng EJK. Kasama na ‘yan,” ani Robin sa nasabing panayam.
Subalit hindi naman kumbinsido rito si Guanzon na kareretiro pa lamang sa Comelec noong Pebrero 3.

Sa isang Twitter post, sinabi ng dating opisyal ng Comelec na hindi niya iboboto ang tinaguriang ‘Bad Boy of Philippine Movies’.
“Hindi ko iboboto si Robin Padilla. Maawa kayo sa Pilipinas,” wika ng tweet ni Guanzon.

‘Hindi ko hinihingi boto ninyo’
Hindi naman ito pinalampas ni Bad Boy na idinaan din sa Facebook ang kaniyang pangangatuwiran.
“Nakakatuwa naman ang retired Comelec official na ito na lumabag sa mismong mga patakaran ng korte at nag-eskandalo sa labas ng Comelec at siniraan ang kanyang pinagsilbihan ng ilang taon,” bungad ni Binoe sa kaniyang post.
Wika pa ng aktor, si Guanzon umano ay isang halimbawa ng ‘grandstanding’. Hinamon niya rin ito na basahin ang ‘ebidensiyang’ hawak niya na magpapatunay na si Bonifacio ay biktima nga ng EJK.

“Basahin niyo po muna ang hawak namin po ebidensya na si Supremo Andres Bonifacio ay biktima ng EJK kasama ang ilan pang miyembro ng Katipunan bago kayo po maglabas ng desisyon niyo na kami ay mga bobo,” ani Robin.
“Hindi ko po hinihingi ang boto niyo,” dagdag pa nito.
Si Robin Padilla ay kilalang masugid na taga-suporta ni Pangulong Rodrigo Duterte na inaakusahang kinukonsinti ang EJK sa laban ng kaniyang administrasyon kontra kriminalidad.