May nakakatawang hirit na naman si Madam Inutz matapos makipag-selfie sa aktor na si Piolo Pascual.
Sa kaniyang Instagram wall, ibinahagi ni Madam Inutz, o Daisy Lopez sa tunay na buhay, ang larawang kasama niya ang Kapamilya hunk.
Biro pa ng ex-Pinoy Big Brother housemate, dati ay ‘pinagpapantasyahan’ lang niya ang aktor subalit ngayon ay makakasama na niya ito sa isang teleserye.

“Mga Inutz, look oh…Papa Pi!!! Pinagpapantasyahan ko lang ito dati nung dalaga pa ako,” masayang bahagi ng dating online seller.
“Ngayon kasama ko na sa mga ganap na eksena,” dagdag pa nito.
BASAHIN: Madam Inuts, bagong komedyante ng Kapamilya Network
May pabirong hirit pa si Madam Inutz na ikinatuwa ng kaniyang mga followers sa Instragram.
Aniya, “Direk, oks na oks po sa akin ang may bed scene!!”
“Charot lang kasi harot lang Inutz!! Eto ang ngiting tagumpay!!!” wika pa ni Madam Inutz.
Itatampok sina Piolo Pascual at Madam Inutz sa upcoming comedy series na “My Papa Pi” na ididirehe ni Direk Cathy Garcia-Molina at kung saan makakasama nila ang iba pang Kapamilya stars na sina Angelica Panganiban, Katya Santos, Frenchie Dy, at Pepe Herrera.
May mga ibinahagi pang ilang larawan ang komedyante kasama ang iba pang cast ng inaabangang teleserye habang sila ay nasa lock-in taping.

Si Madam Inutz ay sumikat sa social media matapos pumatok sa mga netizens ang kaniyang kakaiba at nakatutuwang istilo ng pagla-live selling sa Facebook.
BASAHIN: Madam Inutz hinirang bilang ‘Outstanding Social Media Influencer’
Kinagiliwan ng kaniyang followers ang pagtawag niya ng ‘mga inutil’ at pagmumura sa mga nanonood sa kaniyang online selling na tumatambay lamang at hindi naman bumibili. Dito rin nanggaling ang kaniyang palayaw na ‘Madam Inutz’.