Nagtulong-tulong ang ilang kapulisan sa Southern Leyte upang muling maitayo ang bahay ng isang tanod na nasira ng bagyong Odette noong Disyembre.
Sa Facebook post ng PNP, ibinahagi nito ang ilang larawa ng mga tauhan ng Padre Burgos Police Station habang tulong-tulong na ginagawa ang nagibang bahay ni Romeo Amoncio, chief tanod ng Barangay Laca ng nasabing bayan.

“Sa gitna ng pagsubok na kinakaharap ng ating mga kababayan sa Kabisayaan dala ng nagdaang bagyo, ang inyong ipinakitang pagtutulungan upang muling maitayo ang kanilang tirahan ay napakalaking bagay para sa kanila. Maraming salamat sa ipinakita nyong malasakit, isang tapat at serbisyong may puso sa ating kumunidad” ani PNP chief Gen. Dionardo Carlos sa isang pahayag.
Ang bayanihan ay ginawa umano sa pakikipagtulungan ng Padre Burgos Municipal Station personnel sa pangunguna ni P/Lt. Keir Jhon R Hallasgo, at ng Reformist Guardian International, isang PNP Advocacy Support Group sa pamumuno ni RGI Chapter President Bro.Ruby G. Menter.

Ang Southern Leyte, kasama ng Surigao del Norte at Dinagat Island, ay isa sa mga probinsiyang lubhang napinsala ni Odette.
Tinatayang nasa mahigit 120,000 kabahayan at mahigit sa 405 establisimiyento ang nagiba sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyo sa iba’t-ibang panig ng bansa.

Ayon pa kay Carlos, patunay ito na ang ‘spirit of volunteerism’ ay nananatiling buhay sa ating mga Pinoy na laging handang tumulong sa mga nangangailangan.
“Kung meron mang isang magandang bagay na naituro ang kalamidad na dumaan, iyon ay ang ating pagkakaisa at pagtutulungan sa gitna ng pandemya bilang mga Pilipino,” wika pa ng PNP chief.