Inalala ni Jodi Sta. Maria ang kaniyang kabataan na naging raketera pa umano siya para lamang may pambaon sa eskuwelahan.
Hindi rin itinago ng ‘The Broken Marriage Vow’ actress na mag-isa silang itinaguyod ng kanilang ina noon bagama’t lagi namang nakaalalay sa pamilya ang kanilang lola.

“Tapos doon sa pagiging raketera sa school, nagbebenta kami ng popcorn. Kasi du’n namin kinukuha ‘yung pangbaon namin,” kuwento ni Jodi sa vlog ni Karen Davila sa You Tube.
“So, mga 4 a.m. gigising si Mama, gagawa siya ng parang butter, ng brown sugar, tapos may candle para pang-close ng plastic tapos ibebenta namin per pack ng 20 pesos,” patuloy ng aktres.

Nakalulungkot nga lang daw dahil bigla na lang silang pinatigil magbenta sa eskuwelahan dahil nakukumpitensiya na nila ang school canteen.
P1.5k na talent fee
Binalikan din ng 40-anyos na aktres kung paano siya nagsimula noon sa showbiz.
Mahilig daw talaga siyang magtanghal kahit noong bata pa at ilang beses niyang sinubukang mag-audition sa mga commercials subalit hindi siya pinalad na mapili.
Nagbago ang kaniyang kapalaran nang maispatan siya ng isang talent scout at hinimok na mag-audition sa Star Magic na naghahanap noon ng mga baguhang talent.

Hindi man pinalad sa unang subok, masaya na daw siya noon na nakapasok sa ABS-CBN at nakakita ng mga artista.
“Pero noong time na ‘yun, kung hindi man ako matanggap, okay lang. Ang gusto ko lang makakita man lang ako ng artista,” aniya.
Kuwento pa ni Jodi, 1,500 pesos lamang ang natatandaan niyang unang talent fee na natanggap.
“Nagtiyaga…kasi nu’ng time na ‘yun kasi I remember ang pinakaunang talent fee ko is 1,500 pesos. Before, kapag pupunta ka ng shoot, bitbit mo lahat,” pagbabalik-tanaw ng aktres.

Maliban sa kaniyang kabataan at pagsisimula sa showbiz industry, ibinahagi rin ni Jodi ang kaniyang mapait na karanasan noong maghiwalay sila ng kaniyang mister.
Panoorin ang vlog ni Karen Davila na pumalo na sa mahigit 700K ang views sa loob lamang ng dalawang araw: