Tukoy na ng mga awtoridad ang taong itinuturing na ‘person of interest’ sa kaso ng mga nawawalang sabungero sa Bulacan.
Ang taong ito ay posible umanong may kinalaman o may alam sa pagkawala ng limang sabungero mula sa iba’t-ibang bayan ng Bulacan.

Ayon kay Colonel Wendel Arinas, hepe ng Calumpit PNP, may impormasyon ang nasabing ‘person of interest’ tungkol sa misteryosong paglaho ng mga sabungero matapos silang dumalo sa isang ‘e-sabong’ noong Enero.
Batay sa ulat ng Inquirer, kinilala ang mga sabungero na sina Edgar Malaca, 50, na isang konsehal sa Brgy. San Jose; Alexander Quijano, 50, residente rin San Jose; at si Atong Sacdalan, 37, na taga-Hagonoy naman.
Nagpaalam umano ang tatlo sa kanilang mga kaanak na dadayo ng Lipa City sakay ng isang van noong Enero 6. Sinabi rin umano ng mga ito na dadaan muna sila sa Cavinti, Laguna upang bumili ng panabong bago didiretso ng Batangas.

Noong Enero 5 naman, hindi na rin nakauwi sa kanilang bahay sa Hagonoy ang magkapatid na sina Jeffrey at Nomer Depano matapos magpaalam na pupunta ng Lipa.
Natagpuan pa ng mga imbestigador ang van na kanilang sinakyan patungong Batangas na inabandona sa MacArthur highway. May mga nakitang damit sa loob ng van subalit walang natagpuang pagkakakilalanlan sa mga naging sakay nito.
Bilang ng nawawala, umakyat na sa 30
Samantala, umakyat na sa 30 ang bilang ng mga nawawalang sabungero, ayon naman sa ulat ng GMA News.
Kabilang rito ang 5 lalaki sa Laguna, 5 sa Batangas, 10 sa Rizal, at 10 rin sa Bulacan.
Labis naman ang paghihinagpis ng mga kamag-anak at pamilya ng mga sabungero na nakiusap sa sinong may hawak o nagtatago sa mga ito na pakawalan na sila.

Sana daw hayaang sa batas na lamang papanagutin ang mga ito kung sakali mang may atraso sa kanila.
Nagmamakaawa rin ang pamilya ng 22-anyos na buntis mula sa Cavinti, Laguna na si Jonalyn Lubuguin. Siya ay huling nakita noong Enero 6 kasama ang kaniyang nobyong si Nomer Depano.
BASAHIN: Bilang ng nawawalang sabungero umakyat na sa 26 kabilang na ang isang buntis
Tiniyak naman ng PNP-CIDG na patuloy ang kanilang imbestigasyon upang malaman kung sinuman ang nasa likod ng mahiwagang insidenteng ito. Hindi na rin muna nila pinangalanan ang nabanggit na ‘person of interest’ sa kaso.
I-click ang imahe sa ibaba at panoorin ang buong ulat ni Jessica Soho:
