Kahit pa humingi na ng paumanhin, papanagutin pa rin sa batas ang tatlo kataong sangkot sa nag-viral na ‘road rage prank’ sa Marikina City noong nakaraang linggo.
Ayon sa Marikina CPS, ang tatlong pranksters ay haharap sa mga kasong paglabag sa Article 154 ng RPC (Unlawful use of means of publication and unlawful utterances) na may kaugnayan sa R.A 10175 (Cybercrime Law) ; Art 155 (Alarm and Scandal) ; at Unjust Vexation na isinampa ng kanilang tanggapan.

“We are just performing our sworn duty with due diligence and fairness without fear or favor. This is to preserve the integrity of the PNP and criminal justice system in general which each and every member of the organization are duty-bound to uphold,” giit ni Marikina police chief PCol. Benliner Capili.
Humakot ng nasa mahigit 8 milyong views ang naturang video na inupload sa Facebook page na ‘Viral veds’.
Makikita sa video ang habulan ng dalawang motorcycle riders at isang SUV sa may bandang Marikina River Park.

Nang huminto ang SUV, kinumpronta ito ng mga riders at saka nagkaroon ng mainit na pagtatalo ang dalawang panig.
Makaraan ang ilang sandali ay lumabas ang driver ng SUV na tila may bitbit na armas at saka narinig ang ilang putok. Pagkaalis ng sasakyan ay makikita namang nakahandusay sa kalsada ang isang rider na mistulang tinamaan.

Naalarma agad ang mga netizen dahil sa kahindik-hindik na tagpo ng inakalang ‘road rage’. Subalit kinalaunan ay napag-alamang prank lang pala ang lahat ng pangyayari at isang amateur vlogger ang nasa likod nito.
Muling namang nag-upload ng video sa social media ang tatlong pranksters at sa pagkakataong ito ay upang humingi ng paumanhin.

Subalit ayon kay Capili, bagama’t tinatanggap nila ang paumanhin ng tatlo, hindi sapat ito upang makalusot sila sa mga pananagutan sa batas.
Pinuntahan pa umano nila ang lugar kung saan naganap ang insidente para mag-imbestiga. Lumalabas na kaya pala hindi ito nai-report sa pulis o kahit sa barangay ay dahil isang ‘social experiment’ lamang ang naganap.
May kopya ng naturang viral video dito.